BINATIKOS ng isang retiradong sundalo si Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco Jr. dahil sa pagtatanggol umano nito sa kanyang chief of staff na si Benjie Tocol, na nahaharap sa kasong pagpopondo at pagsuporta sa teroristang grupong New People’s Army (NPA).
Ayon kay Sgt. Mallan Mendoza, dating kasapi ng 3rd Civil-Military Operations Battalion ng Philippine Army, isang banta sa national security ang isinumiteng affidavit ni Haresco pabor kay Tocol.
“Si Haresco ay nagsilbing testigo ni Tocol. Naglabas pa siya ng affidavit para ipagtanggol ang kanyang tauhan at tutulan ang imbestigasyon. Isa itong malinaw na kawalang respeto sa gobyerno at sa kampanya nito laban sa terorismo. Dapat may delicadeza siya bilang opisyal,” sabi ni Mendoza.
“Maraming sundalo na ang nagbuwis ng buhay para maprotektahan ang Aklan laban sa NPA. Pero si Haresco, pinili pang ipagtanggol ang taong inaakusahan ng koneksyon sa NPA kaysa sa kapayapaan at seguridad ng probinsya,” dagdag pa niya.
Tinuligsa rin ni Mendoza ang pahayag ni Haresco na hindi siya nakikialam, dahil ang mismong paglalabas ng affidavit ay isa nang pakikialam.
“Bilang kongresista, bahagi siya ng gobyerno pero pinanigan pa niya si Tocol. Isinama pa niya ang ilang politiko na kinumbinsi niyang magsumite rin ng affidavit,” giit ni Mendoza.
“Sa halip na tumulong sa law enforcement units sa laban kontra terorismo, ginagamit pa nila ang kanilang posisyon para makialam. Hindi ba’t ito ay gaslighting at power manipulation? Insulto ito sa aming mga sundalong nag-aalay ng buhay para mapanatiling mapayapa ang aming probinsya,” dugtong pa niya.
Umani ng atensyon ang isyu dahil matagal nang idineklarang insurgency-free ang Aklan mula pa noong 2011.
Naunang kinasuhan ng Criminal Investigation and Detection Group – Aklan Provincial Field Unit (CIDG-PFU) si Tocol sa paglabag sa Republic Act 10168 o ang “Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012,” matapos umano nitong magbigay ng pagkain at pera sa NPA. Kabilang sa mga kinasuhan sina Rosanna Inaudito alyas Ka Dayan/Ann-Ann at Jose Edwin Guillen, opisyal ng Regional Taxation Implementing Group (RTIG) ng Coronacion Chiva “Waling-Waling” Command, isang grupong sangkot sa extortion sa Panay Island. Ang kaso ay inihain sa Department of Justice (DOJ) central office sa Maynila.
Batay sa salaysay ng NPA member na si Brince Gegodas, nakipagkita umano siya kay Tocol sa parking lot ng Wilcon Depot sa Calangcang, Makato, Aklan noong Abril 2023. Dito siya inutusan na maghatid ng grocery at pera kay Guillen. Nahuli si Gegodas sa parehong lugar sa isang entrapment operation noong Hunyo 27, 2023.
Nagbigay rin si Gegodas ng mga ebidensya gaya ng mga mensahe at tawag sa pagitan nila ni Tocol at Guillen. Natagpuan din sa kanyang cellphone ang GCash number ni Tocol, na nananatiling aktibo sa kabila ng pagtanggi ng aide na sa kanya ito. Bilang bahagi ng imbestigasyon, sinubukan ng isang CIDG operative na magpadala ng P100 sa nasabing GCash account. Nakumpleto naman ang transaksyon at lumabas ang pangalan ni Tocol bilang account holder.
Ayon sa isang source mula CIDG, iniimbestigahan din nila ang pahayag ni Gegodas na nakikipagsabwatan umano si Tocol at isang mataas na opisyal ng lokal na pamahalaan sa paniningil ng revolutionary tax at pangingikil sa mga negosyante at kontratista sa Aklan.
