PUNA ni JOEL O. AMONGO
TINANGGAL na sa trabaho si Elmar Bestur Castillo, may sapat na edad, residente ng Brgy. Linothangan, Canlaon, Bacolod City matapos kasuhan ng qualified theft ng kinatawan ng FC Scrap Trading sa Office of the City Prosecutor, Valenzuela City noong Hulyo 14, 2025.
Itinuro ng mga testigo na si Castillo ay nagnakaw ng diesel at pera ng FC Scrap Trading na nangyari dakong alas-6 ng gabi noong Hulyo 1, 2025 sa no. 35 Flaviano Compound, Mindanao Avenue, Brgy. Ugong, Valenzuela City.
Nasa 50 litro ng diesel na tinatayang may halagang P2,505.00 sa P50.10 kada litrong presyo nito, at P2,000 cash, na may kabuuang halaga na P4,505.
Si Castillo ay sinampahan ng kasong qualified theft sa Office of the City Prosecutor, Valenzuela City, ng kinatawan ng FC Scrap Trading na si Dondon Espiritu de Guzman.
Kung ganito rin lang ang aking manggagawa na pinasusuweldo ko na ay piniperwisyo pa ako, aba’y hindi ko siya patatagalin sa aking kumpanya, sisibakin ko siya.
Dugo at pawis ang ipinuhunan ng isang tao bago siya nagkaroon ng kumpanya, tapos ganun lang kadali na nanakawan siya ng isa niyang tauhan? Doble ang ganansiya ni Castillo, pinasweldo na siya ay magbebenta pa siya ng gasolina ng kumpanya, hindi na makatwiran ‘yan.
Kung ganitong klaseng trabahante ang ating makukuha, aba’y babagsak ang ating negosyo, kaya nararapat lang na hindi na patagalin pa ng FC Scrap Trading si Castillo sa kanila, at marapat lang na hindi lang pagsibak sa kanya ang ginawa, kasuhan din siya.
Kailangan ding magkaroon ng leksyon ang ganitong klaseng tao, para hindi na pamarisan pa ng iba, at hindi na rin niya gawin sa iba pang papasukan niyang kumpanya.
‘Pag ganito ang manggagawa natin ay hindi panatag ang ating isipan, lagi tayong mag-aalala na anomang oras ay maaari niyang gawin ang masama laban sa atin.
Sa mga manggagawa na tulad ni Castillo, maging tapat tayo sa ating mga trabaho dahil baliktarin man natin ang pangyayari, kayo man ang maging amo ay hindi rin kayo papayag na nanakawan kayo ng inyong mga trabahante.
Lalo na kung hindi naman nagkukulang sa pagbibigay sa inyo ng tamang benepisyo ang inyong kumpanya, bakit kailangan n’yo pang gawan ng masama?
Magpakita kayo ng mabuti at maging tapat kayo sa inyong mga trabaho, kasunod niyan ay swerte ang darating sa inyo.
Pero kung masama ang inyong gagawin tulad ng pagnanakaw sa inyong kumpanya, ay malas ang inyong aabutin dahil hindi papayag ang may-ari na malulugi siya dahil lang sa inyong kalokohan.
Tulad ni Castillo na hindi lang siya sinibak sa trabaho kundi kinasuhan pa siya ng kumpanya ng qualified theft sa Prosecutor’s Office ng Valenzuela City.
Imbes na sumusuweldo siya sa kumpanya, ngayon ay kailangan niya pang maghanap ng pera para kumuha siya ng abogado na magtatanggol sa kanya at kailangan niya rin ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Wala man siya sa kustodiya ng pulisya ngayon ay magiging wanted siya sa batas dahil sa kanyang pagtatago.
Kung hindi sana siya gumawa ng mali ay naghahanapbuhay sana siya ngayon nang maayos para sa kanyang pamilya.
Hindi lang ang kumpanya, at sarili ang kanyang pinerwisyo kundi maging ang pamilya na umaasa sa kanya.
Maging tapat tayo sa ating mga ginagawa para sa ating sarili at sa ating pamilya.
130
