UMAPELA ang mga residente ng lalawigan ng Quezon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na ayusin ang mga lubak-lubak na kalsada sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Pagbilao sa nasabing lalawigan.
Reklamo ng mga residente, ilang taon na silang nagtitiyaga sa malalalim na lubak partikular na sa Brgy. Malicboy bago dumating ng zigzag o mas kilala bilang Bitukang Manok.
Bukod dito, marami rin sira-sirang kalsada o daan sa Brgy. Malicboy, Pagbilao na nagdudulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Nabatid na ang nasabing lugar ay nasa Distrito 1 ng lalawigan ng Quezon na sakop ni Congressman Mark Enverga.
Subalit dahil hindi naman dito ang daanan patungo sa distrito ni Enverga ay hindi ito napagtutuunan ng pansin.
Ang Brgy. Malicboy, Maharlika Highway, ay pangunahing kalsada na daanan ng mga sasakyan at truck patungong Distrito 4 o mga lugar ng Atimonan, Gumaca, Lopez at hanggang mga lalawigan sa Bicol at Samar.
Umapela naman si Quezon Governor Doktora Helen Tan sa DPWH na agad ayusin ang mga lubak na kalsada dahil lubhang nakaaapekto na ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga residente ng lalawigan at maging sa turismo dahil sa napakahabang traffic na sinusuong ng commuters.
21