BUMAGAL nang bahagya ang COVID-19 vaccine rollout ng pamahalaan dahil nabigyan ng pagkakataon ang mga health worker na makapamili ng gusto nilang brand ng bakuna.
Ang pahayag na ito ni Presidential spokesperson Harry Roque ay tugon sa tanong kung ang target ng pamahalaan na mabakunahan ang 70 milyong indibidwal laban sa COVID-19 sa pagtatapos ng taon ay maisasakatuparan lalo pa’t naideliber na sa bansa ang 1.12 million donated doses ng COVID-19 vaccine mula Sinovac at AstraZeneca—na parehong ibinibigay ng two doses.
“Huwag mo naman i-compute iyong high end [na target]. Ang i-compute natin, iyong pinakamababa na 50 million. Basta dumating na ang mga bakuna, makakamit natin ang target,” ayon kay Sec. Roque.
“Kaya lang tayo mabagal ngayon kasi binigyan natin ang mga health worker na tumanggi [sa kung anong nariyan na] so iyong rollout, parang naulit,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Tinukoy ni Sec. Roque ang protocol na itinakda ng pamahalaan kung saan ay pinapayagan ang mga health worker na tanggihan ang Sinovac COVID-19 vaccine—ang unang COVID-19 vaccine na naging available sa Pilipinas at sa halip ay kunin ang susunod na available na bakuna ng AstraZeneca.
Sa ilalim ng kahalintulad na protocol, hindi mawawala sa mga health worker ang kanilang priority status kahit pa ang piliin nila ay ang vaccine brand na kanilang gusto.
Inirekomenda ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas ang Sinovac para sa clinically healthy individuals na ang edad ay mula 18 hanggang 50 taong gulang.
Hindi naman inirekomenda ng FDA ang Sinovac sa mga health care worker dahil ang efficacy rate nito sa nasabing grupo ay umaabot lamang ng 50.4%.
Samantala, inendorso naman ng Department of Health (DoH) ang Sinovac para sa health workers’, anito, mas kapaki-pakinabang ito sa kanila dahil ang Sinovac ay 78% epektibo laban sa moderate COVID-19 symptoms at 100% effective laban naman sa severe symptoms.
Ang AstraZeneca, sa kabilang dako ay 70% na epektibo matapos ang first dose—rating na sinasabing tataas kapag ang second dose ay naibigay na matapos ang 4 hanggang 12 linggo batay sa FDA evaluation.
Inirekomenda naman ng FDA ang AstraZeneca para sa mga indibiduwal na ang edad ay 18 pataas.
Samantala, binigyang diin naman ni Sec. Roque na batid ng pamahalaan kung paano mapagtatagumpayan ang itinakdang target.
“Matatapos natin ang health frontliners by May, [and] we can begin with economic frontliners by April,” anito.
“Tama po kayo, napakaraming kailangang bakunahan sa isang araw pero kakayanin po iyan basta nariyan na ang mga bakuna,” giit ni Sec.Roque. (CHRISTIAN DALE)
