PALASYO KINATIGAN POSISYON NG OSG SA ICC CASE

IPINAGTANGGOL ng Malakanyang ang hakbang ng Office of the Solicitor General (OSG) na humirit ng permiso sa Korte Suprema upang katawanin ang gobyerno sa petisyon na kumukuwestiyon sa patuloy na pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Sa inilabas na kalatas, iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na malinaw ang mandato ng OSG:

“Duty-bound ang OSG to defend the government and its officials… dapat lamang kumilos nang naaayon sa batas nang walang pinoproteksyunan na iilan.”

Ang pahayag ay tugon sa manifestation ng OSG noong Dec. 1 na humihiling na sila ang maging opisyal na kinatawan ng mga respondent sa petisyong inihain noong Marso ng mga abogado nina dating pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Ang petisyong ito ang kumukuwestiyon kung bakit patuloy ang kooperasyon ng bansa sa ICC investigation hinggil sa anti-drug campaign ng administrasyong Duterte.

Sinabi ni Castro na hindi na saklaw ng Palasyo ang personal na posisyon o mga dating hakbang ni ex-SolGen Meynard Guevarra sa isyu; ang mahalaga ngayon ay “simply fulfilling” ng kasalukuyang liderato ang legal responsibilities nito.

Sinabi rin ni Solicitor General Darlene Berberabe na binabawi na ng OSG ang dating plea to inhibit na isinampa noong panahon ni Guevarra.

Hindi naman pinalampas ni Castro ang patutsada ni Vice President Sara Duterte. Ayon sa kanya, ang pambabatikos sa Palasyo ay pagtatangkang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa COA findings na tumutukoy sa incomplete documents, unverified beneficiaries, at gaps sa financial reporting ng Office of the Vice President (OVP).

“Ayaw ng Bise Presidente na makinig ang taumbayan sa Palasyo dahil namumulat sila sa katotohanan,” giit ni Castro.

“Saan dapat makinig ang tao? Sa misinformation na pinapakalat niya at ng mga kaalyado niya?”

Dagdag pa niya, ang umano’y kabiguan ng OVP na magbigay ng malinaw na paliwanag sa fund utilization ay dahil sa noncompliance sa batas at rules and guidelines.

(CHRISTIAN DALE)

41

Related posts

Leave a Comment