NAGPAHAYAG ng pasasalamat si Congressman Fidel Nograles kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-utos nitong madaliin ang mga proyektong may kinalaman sa supply ng tubig sa ating bansa.
Ayon kay Nograles, malaking tulong ito upang mabawasan ang epekto ng paparating na tagtuyot at maaksyunan ang kakulangan ng supply ng tubig para sa ating mga kababayan.
Partikular na binanggit ng mambabatas, ang kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga ahensiya ng gobyerno na makumpleto ang lahat ng water-related projects sa Abril 2024 sa gitna ng pananalasa ng El Niño phenomenon.
“The President’s order signifies the government’s commitment to protect our people from the harsh effects of the coming drought. I hope that our agencies tasked with overseeing these projects will not only comply, but seek to exceed expectations,” ani Nograles.
Ang bansa ay nahaharap sa matinding tagtuyot matapos na makaranas ng 10 bagyo lamang mula sa annual average na 20, na pumasok sa bansa para sa taon, na inanunsyo ng pamahalaan kamakailan.
Sa mangyayaring El Niño phenomenon, ang Pilipinas ay makararanas din ng “moderate to severe drought conditions” mula Pebrero hanggang Mayo 2024, at 77 porsyento ng mga lalawigan ng bansa ay makararanas ng tagtuyot sa katapusan ng Mayo, ayon pa sa pahayag ng Department of Science and Technology.
Kung kaya’t sinabi ni Nograles na kinakailangan ang agarang aksyon upang maibsan ang epekto ng tagtuyot.
“Time is of the essence, and every moment of inaction will lead to more families being affected by the drought,” ayon pa sa mambabatas.
Kasabay nito, nagpasalamat din si Nograles sa pagpasa ng House Bill No. 9663, o ang National Water Resources Act, na naglalayong bumuo ng isang Department of Water.
Binanggit pa niya ang strategic framework para sa “national water management, policymaking, and planning” na mahalaga sa mga Pilipino para ma-access ang crucial resource sa gitna ng climate crisis.
“Now more than ever, we need a united body instead of various fragmented units to manage our water resources. The passage of the National Water Resources Act is instrumental towards achieving that aim and protecting this invaluable resource,” dagdag pa ni Nograles.
(JOEL O. AMONGO)
