Palusot ni Cynthia hindi umubra VILLAR OLIGARKO, KALABAN NG MASA-PM

Ni: NELSON S. BADILLA

“PALUSOT na lang ‘yong sa gobyerno [ang] pinatungkulan niya” na pagbutihin ang kanilang trabaho laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ganito ang eksaktong birada ng tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM) na si Wilson Fortaleza sa pagbawi ni Senadora Cynthia Villar sa kanyang pahayag laban sa mga doktor, nars at iba pang health workers.

Noong Sabado, kinuyog ng netizens si Villar matapos sumagot ng “hindi na kailangan, pagbutihin nila ang kanilang trabaho” nang tanungin siya sa isang radio interview hinggil sa kanyang reaksyon sa panawagan ng health workers na ibalik sa “enhanced community quarantine” (ECQ) ang Mega Manila (Metro Manila at mga karatig lalawigan) upang ayusin ang estratehiya laban sa COVID-19.

Maging ang mga celebrity ay hindi nakapagpigil at inupakan ang senadora sa social media.

Kinabukasan ay agad kumambyo si Villar at sinabing hindi ang mga health worker ang kanyang kinutya sa isyu ng paglaban sa COVID-19, kundi ang pamahalaan, kabilang ang mga katulad niyang

mambabatas.

“We have to work harder and better, but I am not referring in particular to the medical workers — our frontliners. [I was] referring to all of us and DOH (Department of Health) and PhilHealth
(Philippine Health Insurance Corporation), in particular,” reaksiyon ni Villar.

Ngunit hindi ito kinagat ng netizens, maging ni Fortaleza.

“Consistent naman siya at tapat sa pananaw bilang oligarkiya,” rapido ni Fortaleza.

Ang tinutukoy ng lider-manggagawa ay ang mga naunang pahayag ni Senadora Villar laban sa ilang sektor, kabilang na ang middle class.

Noon ay sinabi ni Villar na huwag nang bigyan ng ayudang pinansiyal ang middle class.
Ipinunto rin ni Fortaleza na kalaban ng pangkaraniwang tao ang senadora dahil ito ay “tapat sa uri.”

Ang tinutukoy ni Fortaleza ay ang pagiging oligarko ni Villar.

Ang pamilya Villar ay kilalang oligarko dahil ang imperyo ng negosyo nito ay saklaw ang subidibisyon, condominium, mall, department store, kumpanya sa distribyusyon ng tubig at
telekomuniskayon.

Idiniin ni Fortaleza na: “Mahirap baguhin ang pananaw na ‘yan kahit magpanggap na makamahirap sa politika [si Senadora Villar].”

Bukod sa senadora, ang iba pang parte ng kanyang pamilya na mayroong puwesto sa administrasyong Duterte ay ang anak niyang si Public Works and Highways Secretary Mark Villar,

Las Pinas Rep. Camille Villar, manugang na si Justice Usec. Emmeline Aglipay Villar (asawa ni Mark), hipag na si Las Piñas Mayor Imelda Aguilar (asawa ni dating Las Piñas Mayor Vergel Aguilar na kapatid ni Cynthia).

Samantala, nagpakita ng suporta ang kabataang manggagawa sa mga health frontliner sa pamamagitan ni Jonel Labrador, PM-Kabataan coordinator na sumang-ayon sa hiling na time out ng
medical community.

162

Related posts

Leave a Comment