SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG
TULOY-TULOY ang trabaho ng ating mga barangay official ngayon.
Kahit nariyan pa rin ang banta ng COVID-19, hindi nila ito alintana.
Kaya nararapat silang saluduhan.
Dapat silang purihin nang paulit-ulit upang mabatid ng kanilang nasasakupan ang mga ginagawa nila.
Halos hindi na nga sila natutulog para lamang mapaglingkuran ang kanilang mga nasasakupan.
Ganyan sila kasisipag.
Siyempre, hindi lamang ang mga barangay official ang dapat nating saluduhan at purihin kundi maging ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) tulad ni SK Chairperson Monte Tolentino ng Brgy. San Jose, Antipolo City, Rizal.
Nakatakda nga palang ipamigay ng SK ng Brgy. San Jose, sa pangunguna ni SK Chair Monte sa ilang kabataan, ang mga NegoKart na magiging simula ng kanilang negosyong pangkabuhayan.
Kung hindi ako nagkakamali, gaganapin ang pamimigay bukas, Agosto 6, bandang alas-10:00 ng umaga sa Barangay Hall ng San Jose.
Magkakaroon din ng katulad na event bandang alas-3:30 ng hapon sa Sitio Old Boso-Boso Covered Court.
Sinasabing magkakaroon ng maikling programa sa gaganaping pamimigay ng pangkabuhayan.
Ito’y hindi lamang para sa sariling kapakanan ng mga kabataan kundi upang makatulong sila sa kani-kanilang mga pamilya.
Nakatakdang magbigay ng welcome remarks si Tolentino sa event.
Tunay na nakatatak sa puso ni Tolentino ang kapakanan ng nakararami at ang pagsisilbi sa bayan.
Masaya siya kapag nalaman niya na mayroon na naman siyang natulungan.
Inaasahang darating si Mayor Jun Ynares upang makapagbigay ng inspirational talk para sa ating mga kabarangay.
Aba’y inaasahan ding makakarating at makakapagsalita si Vice Mayor Pining Gatlabayan at mga konsehal.
Si Brgy. San Jose Chairman Boy Borja ang mamamahagi ng NegoKart kung saan ipapaliwanag din niya kung paano mapapalago at mapapalaki ang negosyong ito.
Pangungunahan ni SK Kagawad Angeline Pinote ang invocation habang maglalahad naman ng special message si SK Adviser Rey Rivera.
Batay pa rin sa nakalap nating kopya ng programa, si SK Kagawad Rosa Dado naman ang magbibigay ng closing remarks sa nasabing aktibidad.
Mabuhay kayo, mga bossing, at God bless po!
