PAMBABARAKO NG CHINA, AS USUAL

SA gitna ng pagsisikap ng administrasyong Marcos na bigyang solusyon ang hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng mapayapang pag-uusap, biglang sumambulat ang diumano’y pagbagsak ng isang piraso ng pinaniniwalaang ballistic missile na pinakawalan ng mga Tsino sa West Philippine Sea.

Usap-usapan na rin sa hanay ng mga lider mula sa iba’t ibang panig ng daigdig ang diumano’y paggamit ng bansang China sa West Philippine Sea bilang testing ground ng kanilang mapaminsalang armada – na tila pahiwatig ng kanilang kahandaan sa sinomang kokontra sa kanilang pag-angkin sa karagatang pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Ang siste, itinaon pa ang insidente sa pagbisita ni US Vice President ­Kamala Harris sa Pilipinas.

Abril ng kasalukuyang taon nang pasaringan ng China ang Estados ­Unidos laban sa pagbisita ni House Speaker Nancy Pelosi sa bansang Taiwan. Sa paglulunsad ng joint military exercise sa palibot ng isla kung saan lumapag ang lider-mambabatas ng Estados Unidos, malinaw na naiparating ang mensahe sa Washington – huwag makisawsaw sa Asya.

Naghahamon ba talaga ang China? Pwedeng oo, pwede rin namang hindi.

Ang totoo, lubhang malakas ang pwersa militar ng China, bukod pa sa mga makabagong armas na posibleng magdulot ng pagpanaw ng maraming buhay at malawakang pinsala. Gayundin ang US na kilala bilang isang makapangyarihang bansa.

Saan hahantong ang pambabarako ng bansang China sa West Philippine Sea? Sa digmaan ba? Huwag naman sana.

Isa lang ang tiyak – dapat nang itigil ng bansang China ang paghahari-harian sa teritoryong ayon mismo sa Permanent Court of Arbitration sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ay malinaw na sakop at pasok sa 200 nautical mile radius exclusive economic zone ng bansang Pilipinas.

Ang pinakamabisang paraan para solusyunan ang usapin sa West ­Philippine Sea ay isang sinserong pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at China. Diplomasya lang ang natatanging landas tungo sa maunlad at mapayapang rehiyon sa Pasipiko.

191

Related posts

Leave a Comment