LUCENA CITY – Nananawagan ng hustisya ang mga kaanak ng mag-iina na namatay matapos na ang sinasakyang tricycle ng mga ito ay masalpok ng pampasaherong van sa Maharlika Highway sa lungsod na ito.
Ayon sa mga kaanak, dapat managot ang driver ng van na si Carlos Santiago Grutas Jr., 37-anyos, na nitong nakaraang araw ay pinalaya ng pulisya base sa rekomendasyon ng piskalya.
Batay sa report ng Lucena PNP, nangyari ang insidente dakong alas-10:00 noong Sabado ng gabi, Hunyo 11, habang ang tricycle na patungo sa bayan ng Pagbilao ay biglang pumasok sa highway galing sa isang gasolinahan.
Subalit bago nakaposisyon ang tricycle sa kanyang linya ay nabangga ito ng Kia passenger van na minamaneho ng suspek na noon ay patungo sa direksyon ng Lucena City proper.
Namatay ang tatlo sa pasahero ng tricycle na kinilalang sina Shirly Glorioso Dizon, 37, at ang dalawang dalagang anak nito na sina Pauline Grace, 17, at Shirley Ann, 19, pawang taga Benco Village, Brgy. Mapagong, Pagbilao, Quezon.
Sugatan din ang padre de pamilya na si Ryan Paul Guevarra Dizon, 38, at ang bunsong anak na si James Matthew, 7-anyos.
Sugatan din ang driver ng tricycle na si Jerald Marinay, 20-anyos, taga Lucena City.
Subalit nabunton ang kaso kay Marinay matapos na matuklasan na wala itong driver’s license at expired din ang registration ng tricycle.
Dahil doon pinalaya ng Lucena PNP ang driver ng van base na rin sa rekomendasyon ng piskalya na siyang ikinagulat ng mga kaanak.
Ayon sa mga kaanak, dapat umanong managot din ang driver ng van dahil ito naman ang sumalpok sa tricycle.
Nakatakdang iapela ng mga kaanak ang kaso sa himpilan ng Lucena PNP at sa korte. (NILOU DEL CARMEN)
311
