NAGKAROON ng pagpupulong ang Department of Health (DOH) at mga kawani ng iba’t ibang ospital sa Metro Manila kaugnay ng tumataas na bilang ng mga naitatalang COVID-19 patients sa nakalipas na ilang araw.
Dumami umano ang mga naoospital na pasyente dahil sa COVID-19 kasunod ng pagdating sa bansa ng mga bakuna laban dito. Bukod dito ang paglobo rin ng bilang ng mga isinasailalim sa quarantine facilities.
“We have been receiving reports na mayroon talagang pagtaas ng mga numero ng mga pasyente sa mga ospital for COVID-19 cases,” pahayag ni DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire sa isang public briefing.
Sa isang ulat, sa Philippine General Hospital ay pumalo sa higit 100 kada araw ang dinadala sa kanilang COVID-19 patient pagsapit ng Marso.
Sa mga sangay naman ng St. Lukes’ Medical Center sa Taguig at Quezon City, lumobo sa 60 hanggang 65 naman ang na-a-admit kada araw.
Sa tingin ng OCTA Research Group, dumarami ang mga kaso ng COVID-19 sa ilang lugar bunsod ng mga bagong variant.
Ngunit nanindigan ang DOH na mahirap pa itong sabihin sa ngayon.
Ayon kay PGH Spokesperson Jonas Del Rosario, nakababahala ang naitala nilang mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa loob lamang ng napakaiksing panahon.
Dahil dito, pansamantalang sinuspinde ang clinical rotation ng mga medicine interns at ang face-to-face consultations sa mga klinika ng nasabing pagamutan.
Nababahala naman si Health Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega, na baka sumipa ang health care utilization sa mga pagamutan kapag hindi napigilan ang pagkalat ng virus.
Kaugnay nito, tinumbok ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin “Benhur” Abalos Jr., na nakaaalarma ang paglobo ng bilang ng mga kaso ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) sa quarantine facilities sa National Capital Region (NCR).
Nabatid ng MMDA na mayroon lamang 3,767 na aktibong kaso ng COVID-19 noong Pebrero 22, subalit sa loob ng 12 araw ay lumobo ito sa 6,479 o katumbas sa 71.99 porsyento.
Sa quarantine facilities sa NCR ay tumalon ito sa 89% nitong Sabado, pahayag ni Abalos.
Kaya, pag-aaralan ng MMDA ang mga polisiya ukol sa quarantine facilities sa NCR. Plano rin ni Abalos na maghanap ng mga hotel sa ibang lalawigan na labas sa NCR upang gamiting kuwarantina.
Idiniin ni Abalos ang istriktong pagpapatupad ng mga pangkalusugan at pangkaligtasang mekanismo sa mga pampublikong lugar.
Hinimok din niya ang mga residente ng Metro Manila na maging mapagmatyag, alerto at patuloy pang bantayan ang pagpapatupad ng mga panuntunang pangkalusugan at pangkaligtasan sapagkat ang COVID-19 ay nananatili pa ring banta kahit na ang gobyerno ay nagsimula na nang malawakang baksinasyon sa maraming bahagi ng bansa na nagsimula sa NCR noong Marso 1.
Kahapon muling nakapagtala ang DOH ng higit 3,000 bagong kaso ng COVID-19 kaya mayroon nang kabuuang 594,412 ang kaso sa bansa.
Nakapagtala rin ng 51 namatay kaya ang total deaths ay umabot na sa 12,516. (MARINHEL T. BADILLA/CHRISTIAN DALE)
301
