PANAHON NA

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

ISA sa nais ko at siguro ng mayorya sa mga Filipino, na maging batas ang isang panukala sa Kamara na patatagin na ang political system sa bansa at bigyan ng leksyon ang balimbing na mga pulitiko.

Sana ngayong 19th ­Congress ay maipasa na ito dahil ilang beses na itong sinubukang ipasa sa mga nakaraang Kongreso subalit hindi pinapansin ng mayorya sa mga mambabatas.

Sabagay, sino ba ang gagawa ng batas na sila rin ang tatamaan? Mukhang bihira sa mga mambabatas ang kayang isakripisyo ang sariling kapakanan para sa ikabubuti ng mas nakararami.

Anyway, sabi ko nga dapat maging batas ang panukalang ito dahil sa ngayon, bihira sa mga pulitiko ang may ­paninindigan. Karamihan sa kanila ay hindi kilala ang salitang loyalty.

Ginagamit lang ng mga pulitiko ang isang political party bilang kanilang behikulo kapag sila ay tatakbo sa ano mang posisyon sa gobyerno… hanggang doon lang. Gamitan lang kung baga.

Hindi rin uso sa mga pulitiko ang utang na loob sa kanilang organisasyon dahil kahit naipanalo sila ng partido sa sinalihang eleksyon ay agad na lalayas pagkatapos nilang manalo.

Usong-uso ‘yan sa Kamara dahil agad naglilipatan sa partido ng nasa poder ang karamihan sa mga congressman. Hindi lahat pero ­maraming gumagawa niyan sa kanila pagkatapos ng eleksyon.

Galit sila sa mga taong hindi loyal sa kanila pero sila mismo ay hindi kilala ang salitang ito.

Ang epekto tuloy, walang vision at ideolohiya ang karamihan sa political parties sa Pilipinas dahil walang kasiguraduhan kung hanggang kailan sila mananatili sa partido.

Hindi magandang pangitain ‘yan dahil kung ang simpleng loyalty sana sa partido nila ay hindi nila magawa, papaano makasisiguro na sila ay loyal sa mga bumoto sa kanila at sa bansa sa kabuuan?

Bilin noon ng tatay ko: Para magawa mo ang isang ­malaking bagay, dapat gawin mo muna ang maliit na bagay. Hindi mo magagawa ang malalaking bagay kung hindi mo kayang gawin ang maliliit na bagay.

Masusukat ang mga ­loyalty ng mga pulitiko sa kanilang mga constituent at sa bayan mismo, kung meron silang ­loyalty sa kanilang partido pero hanggat wala sila niyan, ­malaking ­question mark ang kanilang “katapatan”.

Sana nga ay maipasa na ang panukalang ito para mabigyan ng leksyon ang mga balimbing na pulitiko na hitik na hitik sa sistema ng pulitika sa ­ating bansa ngayon.

Gusto ko ‘yung parusa na kapag bumalimbing ka, ­babawiin ng Commission on Election (Comelec) ang elective post mo, pababayaran pa sa iyo na may tubo ang gastos ng ­partido sa iyong pagtakbo, hindi ka na makalilipat sa ibang political party, at hindi ka ­puwedeng i-appoint sa ano mang puwesto sa gobyerno. Sa maiksing salita, kakapunin ang mga balimbing. Panahon na ‘yan!

186

Related posts

Leave a Comment