DAPAT ay mag-isip-isip tayo kung bakit nangyayari itong coronavirus ngayon sa buong mundo.
Marahil paalala ito sa tao na may Panginoon na pinakamakapangyarihan sa lahat.
Ngayon panahon ng krisis, may mga nag-isip na magdasal at lumapit sa Panginoon.
Mayroon din naman lalo pang nagiging pasaway dahil imbes na tumulong sa kapwa Pilipino ay nanamantala pa.
May nagtaas ng kanilang paninda, mayroon naman ilang pulitiko na dapat ibigay ng bukas ang kanilang kalooban ang food packs sa kanilang nasasakupan ay binawasan pa.
Tulad na lamang ng isang barangay sa Pandi, Bulacan na galit na galit ang kanilang alkalde dahil nagreklamo ang mga tao sa bigas na pinamimigay na inaamag na at bawas pa ng ilang item ang kanilang natanggap.
Sa panahon ng krisis nasusubukan ng Panginoon kung sino sa mga tao ang may matigas at malambot ang kanilang mga puso.
Sabi nga nalalaman na ang ilang tao ay may natitira pang paniniwala na may Panginoon pa na lumikha ng langit at lupa.
Simula po nang mabuhay ang inyong lingkod ngayon ko lang naranasan ang ganitong katinding dagok sa sangkatauhan.
Hindi ko po lubos maisip na ang sentro mismo ng Katolisismo, ang Italy, ang pinakamatinding tinamaan ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Hindi po bumababa ng 500 katao araw-araw ang namamatay sa Italy dahil sa COVID-19.
Marahil ay pagsubok ito sa kanila ng Panginoon na dapat isipin nila kung ano ang kanilang dapat baguhin na kanilang pagkakamali.
Sa pinakahuling impormasyon na natanggap ng PUNA sa nangyayari sa Italy ang mga senior citizen na may COVID-19 ay hindi na nila ginagamot hinahayaan na lang hanggang sa mamatay.
Matitiis ba natin dito sa Pilipinas na makikita natin ang ating mga magulang na mamatay na lang sa sakit na wala tayong ginagawa? Di ba hindi?
Ganun ang nangyayari sa Italy na kung saan matatagpuan ang Roma kung saan nakatira ang Santo Papa.
Naalala ko tuloy ang pinsan ko na nasa Italy pinauwi ang kanyang nag-iisang anak na binatilyo dito sa Pilipinas para dito mag-aral dahil binu-bully raw ng mga Italyano.
Iba ang tingin ng mga Italyano sa mga Asyano tulad ng Filipino mas mababa sa kanila.
Marahil isa yan sa dahilan kung bakit sila pinaalalahanan ng Panginoon.
Sa harapan ng Panginoon pare-parehas po tayo, walang puti, walang itim, pula o brown ka man iisa ang kulay natin sa kanya.
Naniniwala po ang PUNA na ang nangyayaring patuloy pagdami ng dinadapuan ng COVID-19 ay isang paalala sa atin ng Panginoon.
Kaya tama po ang ginawa ng gobyerno na magkaisa tayo sa pagdarasal na mawala na ang COVID-19.
Ang Office of the President, Malacanang Palace, Presidential Adviser for Religious Affairs ay nagtakda ng ‘one week of prayer beginning this sunset March 25, 2020 until sunset of April 1’.
Panahon po ito ng pagnilaynilay nating mga Pilipino magkaisa po tayo sa pagdarasal.
Naniniwala po ang PUNA na malalagpasan nating ang suliraning ito.
Iwaksi po na natin ang galit sa ating mga puso magkaisa po tayo makinig po tayo sa gobyerno lalo na po kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil siya ang ama ng ating bansa.
Magkakaiba man ang ating mga relihiyon ay iisa lamang po ang ating Panginoon.
Anumang pong bigat ng krisis na ito ay magiging magaan, kung tayong mga Pilipino ay magkakaisa sa pamamagitan ng social distancing laban sa COVID-19.Ipakita po natin sa buong mundo na ang Pilipino ay matatag pagdating sa paglaban sa mga pagsubok.
Isama po natin sa ating pagdarasal ay ang mga nasa frontline tulad ng mga health workers, sundalo, militar, manggagawa, media at iba pa.
Sila po ang humarap sa laban na ito na hindi natin nakikita ang kalaban.
Lord iligtas nyo po ang mga frontliner, Amen.
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at oper
