BILANG Filipino, hindi ko matanggap ang harap-harapang pananakop ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) at masakit sa kalooban na hindi man lang tayo lumaban kahit papaano.
Nakakahiya sa ating mga ninuno na nagbuwis ng buhay para makalaya tayo sa mga Kastila, Hapon at Amerikano na nanakop sa ating bansa ang pananahimik ng halos lahat ng mga Filipino ngayon lalo na ang mga lider ng bansa.
Tuluyan nang inangkin ng China ang WPS dahil ginawa na nila itong “Nansha District” na sakop ng Sansha City at magtatayo na sila ng kanilang District Office sa Kagitingan Reef.
Harap-harapan na tayong ginagago ng China dahil alam nilang mahina ang ating military para komprontahin sila sa loob mismo ng ating teritoryo at ginagawa nila ito habang tayo ay abala sa pagsugpo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na nagsimula sa kanila.
Ang pagdedeklara ng China na isa nang distrito nila ang mga reef na nasa loob ng ating territorial water ay indikasyon na inaangkin na nila ito ng tuluyan matapos nila itong gawing military based sa mga nakaraang panahon.
Kung hindi pinapalagan ng ating mga lider ang panggagago at pambabastos na ito ng China sa atin, responsiblidad nating Lahing Kayumanggi na palagan ang bansang ito na sinasamantala ang kabaitan sa kanila ng ating mga lider.
Hindi naman kailangang magkagiyera kapag pumalag tayo. Dapat lang magkaroon tayo ng isang tinig na mariin nating tinututulan ang ginagawang ito ng China sa atin upang makuha ang atensyon ng international community.
Ang mga Vietnamese nagkakaisa sila sa pagtatanggol ng kanilang teritoryo na inaagaw din ng China. Kung nagagawa ng mga Vietcong, bakit hindi magawa ng mga Filipino. Mag-ingay din tayo.
Hangga’t nananahimik ang karamihan sa atin, baka maging ang Pag-Asa Island na isa nang munisipalidad ng lalawigan ng Palawan ay masakop na rin nila at mawawalan ng karapatan sa mga natural resources sa WPS tulad ng langis.
Hindi tayo nakakalapit sa sarili nating teritoryo na sinakop na ng China kaya baka nagmimina na sila ng langis doon na hindi natin alam dahil ang balita, naglatag na sila ng mga pipe sa ilalim ng dagat.
Walang ibang dapat makinabang sa minang ito kundi ang mga Filipino at mahalaga ito para sa mga susunod na henerasyon pero mawawala o baka nawawala na dahil masyadong magulang ang China.
Ang mga lamang dagat, sa tagal na pagsakop nila sa ating territorial water, baka naubos na ang mga isda dahil bilyon ang pinapakain nila araw-araw. Pagkain natin, inagaw na nila.
Hindi dapat magtiwala ang Pilipinas sa China dahil hindi sila mapagkakatiwalian kahit kailan dahil iba ang sinasabi nila sa ginagawa nila at wala silang galang sa ‘kaibigan kuno’ nila.
Para silang magnanakaw sa gitna ng gabi at kung kaibigan man ang turing ng mga lider ng ating bansa sa kanila, ay dapat pag-isipan itong mabuti dahil walang tunay na kaibigan na mang-aagaw sa pag-aari ng isang kaibigan!
608 