PANANAMANTALA SA PANAHON NG PANDEMYA

PUNA Ni JOEL AMONGO

KUNG kailan may problema at saka naman nakikisabay itong mga mapagsamantalang tao.

Ang tinutukoy po natin ay ang mga nasa likod ng pagbebenta ng mga pekeng paracetamol.

Mayroon daw kasing nag­labasan ngayon na mga pekeng paracetamol matapos magkaubusan nito sa mga botika dahil sa mataas na panga­ngailangan ng mga tao nito.

Nito kasing pagpasok ng Enero 2022 ay mabilis na tumaas ang kaso ng mga nagpopositibo sa mga test sa COVID-19, partikular ang Omicron variant na mabilis na nakakahawa sa mga tao.

Kaya biglang tumaas ang pangangailangan sa mga ­paracetamol na naging dahilan ng pagkaubusan nito sa mga botika.

Ang kakulangan ng orihinal na paracetamol ang naging daan ng mga mapagsamantalang tao para magbenta ng peke nito.

Imbes na gumaling ang may karamdaman dahil peke ang kanilang iinumin baka lalo pang lumala ang kanilang sakit.

Kung binabantayan ng mga awtoridad ang mga hotel na itinakdang quarantine area ay isama na rin nila ang pagtugis sa mga nasa likod ng pagbebenta ng pekeng ­paracetamol na ito.

Siyempre dapat pangunahan ng Food and Drug ­Administration (FDA) ang pagtugis na ito sa mga nasasangkot sa pagpapakalat ng pekeng paracetamol.

Lalo kasing dumagsa ang bumibili ng paracetamol matapos pumutok ang isyu kay Gwyneth Chua o “Poblacion Girl” na tumakas sa kanyang quarantine hotel sa Makati City kamakailan.

Ang babaeng ito ay ­galing sa Amerika na dumating nitong nakaraang Disyembre 2021 sa bansa at habang naka-quarantine siya ay lumabas sa Berjaya Hotel at naki-party sa Poblacion ng nasabing siyudad.

Naging positive sa test si “Poblacion Girl” at nakapanghawa siya sa kanyang dinaluhang party.

Isiniwalat naman ni Carlos Laurel na hindi nila imbitado sa party si “Poblacion Girl”, aniya nabigla na lamang sila na dumating ito na kasama ang kanyang boyfriend.

Sa report ng Department of Health (DOH), as of Thursday, January 6, 2022 ay nakapagtala ng 17,220 bagong COVID-19 infections.

Kaya ang bansa ay may kabuuang 2,888,917 ­COVID-19 cases.

Sa kabuuang bilang ng kaso, ay 2% o 56,561 ang nananatiling may sakit o hindi pa gumagaling.

Ang kabuuang namatay sa COVID-19 ay nasa 51,743 na.

Ingat-ingat din ‘pag may time.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-18-40.

334

Related posts

Leave a Comment