EDITORIAL
NALUKLOK bilang bagong pinuno ng Senado si Senador Francis “Chiz” Escudero. Bago inihalal si Escudero, nagbitiw muna sa puwesto si Sen Juan Miguel Zubiri bilang Senate President na kanyang inupuan mula noong Hulyo 2022.
Nagbitiw ba si Zubiri para hindi humantong sa kudeta ang pagbaba niya sa puwesto?
Lumitaw noong Marso 2023 ang usap-usapan na patatalsikin siya sa pwesto dahil sa umano’y mabagal ang Senado sa ilalim ng kanyang liderato at ang kanyang posisyon hinggil sa Charter change (Cha-cha).
Naramdaman na ni Zubiri ang planong kudeta kaya inunahan niya ng pagbibitiw.
Pero, malaman ang kanyang tinurang hindi niya pagsunod sa utos ng ‘the powers that be’ o TPTB ang dahilan kung kaya siya napalitan.
Sino ang the powers that be at may kontrol ng Senado, na isa sa co-equal na sangay ng pamahalaan? Nangangahulugan na hindi independent ang Senado kahit interdependent ang 3 sangay ng pamahalaan.
Ang pagpapalit ng liderato sa Senado ay nagluklok din ng bagong mga opisyal nito. Si Sen. Jinggoy Estrada ang bagong Senate President Pro Tempore kapalit ng nagbitiw na si Senadora Loren Legarda at si Sen. Francis Tolentino ang Majority Leader at chairman ng Committee on Rules.
Nagbitiw rin si Senador Sonny Angara bilang chair ng Senate committee on finance, at si Senador JV Ejercito ay nagbitiw din bilang Assistant Majority Floor Leader.
Matindi kung gayun ang pasimuno ng balasahan ng liderato sa Senado, kung mayroon ngang TPTB.
Gayunman, may itinuturong mga mitsa bakit ang liderato ni Zubiri ang nakompromiso.
Isa rito ang mabagal na pagpasa ng panukalang batas sa Senado. Hindi niya hinayaan ang imbestigasyon ng Gentlemen’s Agreement, bukod sa isyu kay Quiboloy. Ang pinakamatindi ay hinayaan niyang ituloy ni Bato Dela Rosa ang pagdinig sa PDEA Leaks na walang tiyak na patutunguhan.
Ayon sa iba, ang kabiguan ni Zubiri na ipakita ang magandang pamumuno at epektibong pamamahala ay isa sa mga rason kaya siya ay napalitan – o sa brutal na salita, napatalsik.
Samantala, iginiit ni Escudero na walang kinalaman ang Malacañang sa pagpapalit ng liderato ng Senado, at kasunod nito ang pagtiyak na hindi magkakaroon ng pagkakahati-hati sa mga senador sa kabila ng pagbabago ng liderato nito.
Sana nga ay magdala si Escudero ng pagbabago at ibalik ang dangal ng Senado. Paano?
Kung itatanim sa utak na ang ‘the powers that be’ ay nasa mamamayang Pilipino, malamang bumalik ang tiwala ng publiko sa Senado. Ang kapakanan at interes dapat ang tinitingnan ng mga mambabatas kung talagang maayos na pamamahala ang kanilang tinutupad. Kinatawan sila ng mamamayan, hindi tau-tauhan ng sinomang kataas-taasan.
