Panawagan kay PBBM ni Hataman PAGTATALAGA NG BARMM TRANSITION TEAM, SALAIN

MASUSING pagkilatis ang giit ng isang kongresista sa napipintong pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga itatalagang opisyal ng Bangsamoro Transition Authority.

Ayon kay Basilan Rep. Mujiv Hataman, nakasalalay sa kamay ng BTA ang katuparan sa pangarap na kaunlaran at kapayapaan sa mga lalawigang sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“Nais natin na masigurong ang mga uupo sa susunod na BTA ay may sapat at angkop na kakayahan para matugunan ang lahat ng pangangailangan ng Bangsamoro at ng mamamayan nito. Kaya ang aking mungkahi – masusing kilatisin ang sinumang maa-appoint dito,” ani Hataman.

Partikular na tinukoy ng kongresista ang pagpapaliban ng halalan sa naturang rehiyon bunsod ng Republic Act 11593 na nagpapalawig ng transition period mula 2022 hanggang 2025.

Sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law (BOL), nasa kamay ng Pangulo ang pagpapasya ng pananatili o pagpapalit ng mga opisyales ng naturang tanggapang sadyang binalangkas at isinabatas sa hangaring magsilbing interim body hanggang sa makapaghalal ang mga residente ng BARMM ng kanilang napupusuang kakatawan sa mga Muslim mula sa lalawigang sakop ng BARMM.

“And I suggest that this be done by a panel of equally competent personalities who can vet candidates for the BTA appointments independently, free of any political influence. We just have to make sure that those who will be appointed will really perform the mandate of his or her office,” ayon pa kay Hataman.

Giit pa ng kongresista, higit na angkop kung ang lahat ng sektor at grupo sa Mindanao ay magkaroon ng kinatawan sa BTA para walang madedehado habang nasa transition period pa.

Nasa 80 katao ang inaasahang bubuo at kukumpas sa BTA para sa buong Bangsamoro region.

“Kailangan natin siguraduhin na walang madedehado. There should be equitable distributions of seats. Hindi lamang ito BARMM ng iilan. Ito ay pamahalaan ng lahat nang nasa Bangsamoro.” (BERNARD TAGUINOD)

126

Related posts

Leave a Comment