PANAWAGAN NG DALAWANG OFW SA DAMMAM, SAUDI ARABIA

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

DUMULOG sa AKO OFW ang isang kabayani na ­kasalukuyang nasa Jeddah, Saudi Arabia upang ipaalam sa Department of Migrant Workers lalo na sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang kanyang kasalukuyang kalagayan upang siya ay matulungan.

Si Rita Dreo ay nakarating sa Dammam, Saudi Arabia sa pamamagitan ng kanyang ahensya na Manila Talentsphere Inc. noong Enero 14, 2021. Ngunit imbes na sa Dammam magtrabaho ay inilipat siya sa ibang amo sa Jeddah, Saudi Arabia ng kanyang ahensya roon na Eastern Sahl Recruitment Office.

Sa loob ng higit isang taon simula nang kanyang pagdating sa Saudi Arabia ay napalipat na siya sa tatlong employer. Ngunit sa kanyang ikatlong employer ay sadyang sumusuko na talaga si Rita dahil umano hindi na kinakaya ng katawan n’ya ang trabaho. Sumbong pa ni Rita ay lumala ang kanyang hypertension dahil sa kakulangan ng tulog at pahinga.

Naranasan na rin ni Rita ang dumura ng dugo at ang malimit na pananakit ng kanyang dibdib. Bukod sa pisikal na karamdaman ay labis din ang kanyang sama ng loob dahil mistulang alipin na pagtrato sa kanya dahil sa bodega ng mga laruan lamang siya pinapatulog ng kanyang employer.

Hindi na nga magkandaugaga sa trabaho sa tahanan ng kanyang employer ay dinadala pa siya sa ibang bahay para paglinisin. Hindi niya magawang makapagreklamo o magalit sa kanyang employer dahil malimit na tinatakot siya nito na ipapakulong siya ano mang oras na siya ay magkamali.

Nakikiusap si Rita na tulungan siyang makauwi na lamang sa Pilipinas dahil talagang hindi na kaya ng kanyang katawan ang matinding hirap sa pagtatrabaho sa kanyang kasalukuyang employer.

Ang sumbong na ito ni Rita ay agad nating ipinadala kay OWWA E-Cares Director Atty. Sherelyn Malonzo. Nakatutok ang ating AKO OFW sa kasong ito.

Samantala, si Remona Villasper na isa ring OFW na nasa Dammam mula pa noong Hulyo 11, 2018, ay nagparating din ng sumbong sa AKO OFW dahil sa kanyang kasalukuyang kalagayan. Ayon kay Remona ay noong natapos na ang kanyang kontrata sa unang employer ay ibinenta siya nito sa ibang employer. Sa kanyang ikalawang employer ay natapos na rin ang kanyang kontrata ngunit ayaw siyang pauwiin.

Kinumpiska pa aniya ang lahat ng kanyang dokumento upang hindi siya makaalis ng Saudi Arabia. Halos araw-araw na siyang nagkakasakit dahil sa depresyon. Bukod pa rito ay mahigit tatlong buwan na rin siyang hindi binibigyan ng kanyang suweldong pinaghirapan.

Ang sumbong na ito ni Remona ay ating ­ipinarating sa OWWA E-Cares. Ang AKO OFW ay nanawagan din sa ating kinatawan sa ­Philippine Overseas Labor Office sa ­Jeddah upang bigyang pansin ang sunod-sunod na sumbong ng ating mga OFW na hindi ­pinapasahod, at hindi pinapauwi kahit tapos na ang kontrata. Marahil ay panahon na para kastiguhin ng ating Labor attaché ang Foreign Recruitment Agencies (FRA) upang paalalahanan ang mga ito na ­siguruhing nakauwi na sa Pilipinas ang lahat ng kanilang deployed na OFW sa oras na matapos na ng mga ito ang kanilang kontrata.

210

Related posts

Leave a Comment