Panawagan ng solon PUBLIKO HUWAG MAGING KUMPIYANSA LABAN SA COVID-19

PINAALALAHANAN ni Senator Christopher “Bong” Go ang publiko na huwag maging kumpiyansa at sa halip ay istrikto pa ring tumalima sa mga ipinatutupad na health and safety protocols ng pamahalaan dahil nananatili aniya ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), at ngayong mayroong bagong variant ng virus na nanganganib makapasok sa bansa.

Hinikayat din ng senador ang mga awtoridad na istriktong ipatupad ang mandatory mask at face shield-wearing policy at pagkalooban ng libreng masks at face shields ang mahihirap na hindi kayang bumili ng mga ito, para hindi sila mahawa ng virus.

Batay sa pag-aaral na inilabas ng University of the Philippines-OCTA Research, lumilitaw na 61% lang ng mga residente sa Metro Manila ang palagi o regular na gumagamit ng face shield sa labas ng kanilang tahanan.

Pinaalalahanan naman sila ng senador na, “Hindi pa tapos ang laban kontra COVID-19.  Huwag muna tayo magkumpiyansa. Sumunod tayo sa patakaran ng gobyerno dahil ang kapakanan naman ng lahat ang inuuna natin dito.”

“Importante ang buhay ng bawat Pilipino. Para dun sa hindi makabili ng sarili nilang mask at face shield, bigyan dapat ng gobyerno ng libre para makapag-comply sila,” ani Go.

Ikinalulungkot ng senador na sa kabila ng kahalagahan ng pagsusuot ng masks at face shields ay maraming mahihirap na Pinoy ang hindi kayang bumili ng mga ito, kaya’t umapela siya sa mga concerned government agencies na mamahagi nito sa mahihirap nang libre.

Aniya pa, normal na nagmu-mutate ang virus kapag naipapasa ito mula sa isang tao papunta sa iba sa mahabang panahon kaya’t mahalagang magsuot ng mask at face shield para hindi na ito makahawa at mabawasan ang tiyansang mag-mutate pa ang covid virus. (E REYES)

128

Related posts

Leave a Comment