Pormal na po nating pinalitan ang titulo ng aking kolum na AKSYON OFW at ito ay gagawing BANTAY OFW. Dito ko na po ilalathala ang mga natatanggap kong sumbong at reklamo ng mga OFW na ipinapadala sa ating Bantay OFW Monitoring Center sa pamamagitan ng Bantay OFW Mobile apps.
oOo
Isa sa mga natanggap kong sumbong ay mula kay Mary Cris Nebrida na dineploy sa Saudi Arabia ng ASCENT SKILLS HUMAN RESOURCES SERVICES INC. Narito ang kanyang liham-reklamo:
“Hindi po ako sinuswelduhan ng maayos ng 2nd employer ko simula nu’ng October at nitong Disyembre ay hindi pa ako tumatanggap ng sweldo. “
Si Cris Nebrida ay dumating sa Saudi Arabia noong nakaraang July 31, 2018. At ayon sa kanyang kontrata ay dapat na siya ay tumanggap ng sweldo na halagang SR1,500, pero ang ibinibigay lamang sa kanya noong simula ng siya ay dumating ay SR1,300 lamang.
Ayon din sa kanyang sumbong ay kailangan pa niyang umiyak sa harapan ng kanyang amo para lang maawa na ibigay ang kanyang sweldo na kanyang pinagpaguran.
Nakikiusap tayo sa ASCENT SKILLS HUMAN RESOURCES SERVICES INC. na kung maari ay kamustahin nila ang kasalukuyang sitwasyon ni Mary Cris Nebrida at siguruhin na maibigay sa kanya ang kanyang tamang sweldo sa tamang oras.
Alam naman po natin na ang mga OFW ay malimit na siyang “bread winner” o tanging inaasahan sa kanilang pamilya, at sa oras na sila ay magmintis o pumalya sa pagpapadala ng pera ay maapektuhan ang pangangailangan ng kanyang pamilya lalo na kung ito ay may anak na nag-aaral.
Hinihikayat natin ang lahat ng OFW o maging ang mga paalis pa lamang ng Pilipinas na mag-download ng BANTAY OFW Monitoring apps na libre sa Android playstore.
Dahil sa pamamagitan ng Bantay OFW Monitoring apps ay regular nating makukumusta ang lahat ng ating mga kabayani saan mang sulok sila ng mundo. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
218