Pancho Villa: Unang Pilipinong world boxing champion

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

SIYAMNAPU at siyam na taon (99) na ang nakalilipas nang sa unang pagkakataon ay ­maging pandaigdig na kampeon sa boksing ang isang Pilipino sa katauhan ni Pancho Villa.

Ika-18 ng Hunyo 1923 nang ang 22-anyos na si Villa (Francisco Guilledo sa tunay na buhay), anak ng isang vanquero o manggagawa sa asyenda na iniwanan ng asawa, ay pinatulog sa ibabaw ng lona sa pitong round ang katunggaling si Jimmy Wilde ng Wales para iuwi ang pandaigdig na korona sa flyweight (112 librang dibisyon) at naluklok sa boxing Hall of Fame 36 taon matapos siyang pumanaw.

Sa pagtatapos ng nakaraang milenyo, pinarangalan si Villa ng isang grupo ng international media bilang “Best Flyweight” sa nakaraang 100 taon bilang pagkilala sa nagawa niya, bukod sa inilagay niya ang Pilipinas sa world boxing map.

Higit 23,000 boxing fans, kabilang ang mga Pilipino, ang dumagsa sa popular na Polo Grounds sa New York at ­nagbayad ng hanggang $94,950 para mamalas kung paano gumawa ng kasaysayan ang isang maliit na boksingerong Pinoy. Dinomina ni Pancho ang kulang kalahating oras na pagtutuos sa pamamagitan ng malalakas at mabibilis na kaliwa’t kanang kombinasyon na nagpabagsak sa Welshman ng apat na beses upang ibulsa ang titulo.

Kuwento ng mamamahayag na si Manuel Villa-Real ng TVT chain of newspapers, nang ang bagong kampeon at ang kanyang handlers ay umakyat sa ring, hiyawan ang buong arena ng: “Viva…Villa!”

Bagama’t itinuturing ng mga Amerikano si Pancho na isa sa kanila dahil nasa ilalim ang Pilipinas noon ng Commonwealth, dehado pa rin siya bago ang laban kahit pa tumimbang siya ng 110 libra kumpara sa 109 libra ni Wilde, ayon pa kay Villa-Real, lolo ni four-time Bowling World Cup champion Paeng Nepomuceno.

Sa kalagitnaan ng ­unang round, duguan na ang kanang mata ng nagtatanggol na kampeong Welsh dala ng ­mabibigat ng kanang tinanggap niya mula sa Pinoy. Pagdating ng third, tuluyan nang nagsara ang mata at bumagsak si Wilde kasabay ang hiyawan ng mga manonood na “ihinto na ang ­laban… ihinto na ang laban!”

Nagpatuloy pa rin ang ­suntukan hanggang sa muling bumagsak si Wilde sa ikalimang round, kung kailan mismong si Pancho na ang nakikiusap sa reperi na ihinto na ang laban, ngunit tumangging sumuko ang reigning champion. Bago ang ikapitong round, nilapitan si Pancho ng kanyang manager at foster father na si Francisco “Paquito” Villa at matapos ang maikling pag-uusap ay nagpasyang tapusin na ang ­katigasan ng ulo ng Welshman: “Finish him off then,” wika nito.

Pagtunog ng kampana ay umamba si Pancho na ­mag-­bibitaw ng kanan at pagtaas ng depensa ni Wilde ay nagpatama ang Pinoy ng isang kaliwa sa sikmura at sinundan ng kanan sa panga na nagpa-bagsak muli sa kalaban na kilala sa tawag na “Mighty Atom,” na hindi na nakabangon sa limang minutong pagkakahiga sa lona. Sa wakas, tapos na ang laban!

Habang tinutulungan ni Pancho ang kanyang biktima patungo sa corner nito, lumapit sa kanya ang isang babaeng asawa pala ni Wilde at nagpasalamat sa kanyang ­pagiging maginoo, habang palakpakan at hiyawan ang crowd sa kanilang namalas. Kinalaunan, matapos ang ilang panahon, nabalitang tuluyan nang nabulag si Wilde.

204

Related posts

Leave a Comment