(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MAITUTURING na banta sa seguridad ng bansa ang talamak na pagnanakaw sa kaban ng bayan kaya maaaring iutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanselasyon ng pasaporte ni dating House Appropriations Committee Chair at Ako-Bicol party-list rep. Zaldy Co.
Sa gitna ng pagpalag ng Department of Foreign Affairs (DFA) at mga tagapagtanggol ni Co sa panawagang kanselahin ang kanyang pasaporte, sa katwirang walang legal na batayan sa ilalim ng batas hanggat walang “court order,” hinimay ni Atty. Ariel Inton, presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), ang mga dahilan para makansela ang pasaporte sa ilalim ng Republic Act 11983 o Philippine Passport Law.
Aniya, batay sa Section 10 (b) ng nasabing batas, pwedeng ipawalang-bisa ang passport sa mga sumusunod na pagkakataon: Kapag may utos ng korte matapos mapatunayang nagkasala ang may hawak nito; Kapag ang may hawak ay tumatakas sa batas o fugitive from justice; Kapag ito ay pinaghihinalaang terorista; Kapag nakuha ang pasaporte sa pandaraya o maling proseso; at Kapag ibinalik ang pasaporte sa DFA ng ibang ahensiya ng gobyerno.
Sa ilalim ng batas, kung hindi peke o ibinalik sa DFA ang passport, kinakailangan umano ng court order bago ito kanselahin.
Dahil dito, binigyang-diin ni Inton na habang mabagal pa ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga sangkot sa umano’y ghost flood control projects, walang magiging batayan ang hukuman para ipawalang-bisa ang passport ni Co.
Gayunman, may ibang interpretasyon sa nasabing batas.
Sa parehong Republic Act 11983, may nakasaad aniya na: “Denial of passport application or cancellation of passport for reasons other than by order of the court may be appealed to the DFA Secretary.”
Ibig sabihin, may mga pagkakataong puwedeng kanselahin ng DFA ang isang passport kahit walang court order.
Sa Section 4 ng batas, nakasaad din na: “In the interest of national security, public safety, and public health… the DFA Secretary, or any authorized consular official, may deny issuance or cancel a passport.”
Dito umano maaaring umangkla ang DFA kung nanaisin nitong ipawalang-bisa ang passport ni Co kahit walang utos ng korte.
Ngunit ayon sa mga tagapagtanggol ng kongresista, walang kinalaman sa national security, public safety, o public health ang mga isyung kinakaharap ni Co.
Pahayag ni Inton, ang malawakang pandarambong at korupsyon ay maaari ring ituring na banta sa pambansang seguridad, dahil pinahihina nito ang mga institusyon ng gobyerno at ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan. Kaya nasa kamay ng Pangulo kung aaksyunan ang malawakang panawagan para maibalik sa bansa si Co.
10
