PANGAKONG NAPAKO!

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

HINDI natupad ang pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na sisiguruhing may magpa-Pasko at may maghihimas ng malamig na rehas sa kulungan mula sa malalaking mga isda na nasasangkot sa maanomalyang mga proyekto.

Maraming Pilipino ang naghintay sa pagtupad sa pangako nina BBM at DPWH Secretary Vince Dizon na bago sumapit ang Pasko (Dec. 25) ay siguradong may makukulong na mga mambabatas. Nauna namang sinabi ng Kalihim ng DPWH na sa Dec. 15 ay may makukulong na malalaking mga isda.

Isang araw na lang papasok na ang Bagong Taon ngunit kahit anino ng mga binanggit nilang makukulong ay hindi makita ng mga Pilipino. Anyare? Papogi lang ba ang mga pahayag na ito ng gobyerno?

Maging si Caloocan City Rep. Edgar Erice ay sinisingil na si Pangulong Marcos hinggil sa binitiwan nitong pahayag na may “malalaking mga personalidad” umanong magpa-Pasko sa selda dahil sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Erice, hindi natupad ang pangako ng Pangulo dahil hanggang ngayon ay wala pa ring nakakulong na makapangyarihang politiko at tanging ang kontraktor na si Sarah Discaya ang naipakulong.

“Does the President truly mean what he is saying?” tanong ng mambabatas.

Bumuwelta rin si Erice ng panibagong tanong kasunod ng tuluyang pagguho ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos ang pagbibitiw ni Commissioner Rosanna Fajardo. “What now, PBBM?” ani Erice.

Imbes na may makulong sa mga nasasangkot sa maanomalyang flood control projects, nag-resign pa ang isa namang miyembro ng ICI na si Commissioner Fajardo.

Ang inaasahan na magiging mabango ang administrasyon ni PBBM ay lalo pang napasama dahil hindi nila natupad ang kanilang mga ipinangakong may makukulong na mga politiko sa nabanggit na mga petsa, kumalas pa sa administrasyon si ICI Commissioner Fajardo.

Kaya hindi nakapagtataka na ang Trust Rating ni PBBM ay bumagsak sa -3%, habang si Vice President Inday Sara Duterte ay nakakuha ng +31% sa pinakabagong Social Weather Stations survey.

Inaasahan na lalo pang babagsak ang tiwala ng mga Pilipino kay PBBM sa pagpasok ng Bagong Taon (2026), dahil tila tuluyan nang mawawasak ang ICI dahil sa pagkalas ni ICI Commissioner Fajardo.

Ang pagbibitiw ng mga opisyal sa BBM admin ay nagpapatunay lamang na hindi nila kayang ipagtanggol ang bansa sa nangyayaring katiwalian sa ilalim ng pamumuno ni President Bongbong Marcos, Jr.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

118

Related posts

Leave a Comment