PANGALAN NG MGA AWOL AT SINIBAK NA PULIS DAPAT ILABAS

HINDI ko masisisi ang isang mambabatas sa Kamara na irekomenda sa bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) na si General Debold Sinas na isapubliko ang mga pangalan ng mga pulis na sinibak na sa serbisyo o kaya ay absent without official leave o AWOL dahil marami sa kanila ang nasasangkot sa mga krimen.

Wala kasing ideya ang publiko kung yung pulis na kalugar nila ay wala na sa serbisyo o hindi na ­nare-report sa trabaho dahil ayaw niya ng kanyang assignment o mayroong kinakaharap na kaso.

Aminin na natin, maraming pulis na kahit wala na sa serbisyo ay nag-aastang alagad ng batas pa rin at siga sa kanilang lugar dahil laging may nakasukbit na baril na idini-display o sadyang ipinapakita sa mga tao.

Kung maisasapubliko ang pangalan ng mga ito, baka mahiya sila sa kanilang sarili at mag-iingat sila sa kanilang mga ikinikilos dahil alam ng mga tao na wala na sila sa serbisyo at mayron silang kinakaharap na kaso.

Marami ding mga AWOL at ­sinibak sa serbisyo na nasasangkot sa kriminalidad. Marami na tayong nabasang balita na yung mga sangkot sa kidnap for ransom at pagtutulak ng droga.

Mayroon nga ding mga balita na pinapasok ng mga dating pulis ang gun for hire business at big time na pangho-holdap lalo na’t wala na silang hanapbuhay at kailangan nilang buhayin ang kanilang pamilya.

Mangilan-ngilan lang naman ang mga ito dahil marami akong kilala na wala na sa serbisyo at tahimik na namumuhay at naghahanapbuhay ng marangal pero kahit kokonti sila, bitbit pa rin nila ang pangalan ng PNP kapag nahuhuli sila sa kanilang kalokohan.

Saka lang sasabihin ng mga tao na nakakakilala sa kanila na “sabi na ba, wala na sya sa serbisyo eh” kapag nahuli na sila sa kanilang ginawang krimen o kaya napatay ng kanilang mga dating kasamahan sa isang operasyon.

Kaya mahalagang malaman ng mga tao ang pangalan ng mga pulis na AWOL at inalis na sa serbisyo para kapag gumawa ang mga ito ng katarantaduhan ay makakatulong ang publiko sa pagsugpo sa kanilang mga kalolokohan.

Marami kasi ang nananahimik sa mga kasigaan ng mga wala na sa serbisyo dahil wala silang ideya na inalis na pala sila sa pagkapulis dahil ang laging iniisip nila, walang mangyayari kung magreklamo sila dahil nasa active duty pa sila.

Maaaring kontrahin ito ng mga human rights defenders dahil kahit papaano, may karapatang pantao din naman ang mga ito na dapat pangalagaan pero baka ito naman ang makatulong para magdalawang isip sila na gumawa ng krimen.

Sabi nga nila mas maganda na maging pro-active kesa maging reactionary na lamang. Puro sa huli kasi ang pagsisisi. Saka lang iisipin na “kung ginawa ko sana, baka hindi ito nangyari”.

Wala naman dapat ikakot ang mga AWOL at sinibak sa serbisyo kung nananahimik lang naman sila at marangal na naghahanapbuhay at baka ito pa ang maging dahilan para idepensa ang kanilang sarili sa kanilang mga kalugar, kaanak at pamilya kung bakit sila inalis sa active duty at bakit hindi na sila ­nagreport sa trabaho.

May mga AWOL at sinibak naman kasi na pinag-iinitan lang ng kanilang mga opisyal kaya umalis na lang sila.

Ang matatakot lang dyan ay yung mga gumagawa ng krimen at nag-aastang pulis at nagte-terorize sa mga kanilang mga lugar na tila bang sinasabi na ‘igalang mo ako, pulis ako’.

350

Related posts

Leave a Comment