SA wakas naisatinig din ng gobyerno na mas kailangan ng mga Pilipino ang pangkabuhayan, hindi ang ipinamumudmod na ayuda.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mas maganda para sa mga Pilipino na sila ay nagtatrabaho at may aasahang kita para magkaroon ng pag-asa na gumanda pa ang kanilang mga hanapbuhay.
Kung sa literal na kahulugan, ang pahayag ni Marcos ay alingawngaw lang nang matagal nang ipinagdidiinan ng karamihan na pangkabuhayan o trabaho, at hindi ayuda ang akmang panlunas sa kahirapan.
Bakit ngayon lang isinaboses at kung tama ang sapantaha, inamin ni Marcos Jr. na pangkabuhayan ang mahalaga, at ang ayuda ay pansamantalang pampakalma lang sa paghihirap ng mga tao.
Kung praktikal ang paiiralin, pwedeng pagtambalin ang pangkabuhayan at ayuda dahil kahit ang mga kumikita na ay hikahos pa rin dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ang pangkabuhayan ay hindi naman tiyak kung pangmatagalan at malamang na mawawala rin dahil sa maraming dahilan at kahihinatnan ng estado ng pinagkakakitaan ng mga tao.
Karapatan ng bawat Pilipino na umasa sa gobyerno dahil sa kanilang buwis naman nanggagaling ang “konting pagtingin” na ipinupukol ng pamahalaan sa mamamayan.
Sa panahon ng kahirapan, ang ugali ng Pinoy ay dumiskarte para mabuhay, ngunit hindi nangangahulugang ayaw nilang umasa at maghintay ng limos.
Tapat ba si Marcos sa sinasabi niyang ang pagkakaisa at pakikipagkaibigan sa ibang bansa ang magbibigay ng maraming oportunidad sa mga Pinoy?
Ang bunga naman ng pakikipagkaibigan sa ibang bansa ay pangako ng pamumuhunan.
Kung sinsero ang gobyerno na palayain ang bansa sa kahirapan ay dapat maging totoo silang panday na ang pokus sa paghulma ng susi na magkakalas ng kadena ng kahirapan, gutom at salat na oportunidad.
Ang pansamantalang tulong o ayuda ay hindi mawawala, gaya ng pramis ni Marcos Jr., ngunit dapat ito ay walang pinipili, hindi paulit-ulit ang binibigyan. Ang agarang lunas ay hindi lamang sa ikagiginhawa ng iilan at ng mga pinagpapala.
