Panibagong pangako ni Marcos Jr. MGA SABIT SA FLOOD SCAM HIMAS-REHAS SA PASKO

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na makararating ang Pasko sa mga opisyal at personalidad na sangkot sa maanomalyang flood control projects ng gobyerno.

“Alam ko, bago mag-Pasko… palagay ko matatapos na ‘yung kaso nila. Buo na ‘yung kaso nila. Makukulong na sila. Wala silang Merry Christmas. Before Christmas, makukulong na sila,” pahayag ng Pangulo sa press conference sa Presidential Broadcast Studio, Kalayaan Hall, Malacañang, nitong Huwebes, Nobyembre 13.

Nauna nang sinabi ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na kumpiyansa siyang makukulong ang mga sangkot bago sumapit ang Pasko.

“Sa tingin ko, base sa usapan namin ng ICI (Independent Commission for Infrastructure) at ng Ombudsman, hindi na magtatagal at ‘yung unang kaso na finile natin noong Setyembre 13 ay malapit nang isampa. Dahil doon, makikita n’yo na ‘yung mga unang taong makukulong na,” ayon kay Dizon.

Dagdag pa ng kalihim, “Sabi ko nga, tingin ko marami-rami ang magpapasko sa kulungan sa mga susunod na linggo at buwan.”

Tinatayang nasa 60 katao ang posibleng makulong bago mag-Pasko, ayon kay Dizon.

Aniya, nagtutulungan na ang Ombudsman, ICI, DPWH, Department of Justice (DOJ), Anti-Money Laundering Council (AMLC), National Bureau of Investigation (NBI), at Office of the Solicitor General (OSG) upang mapanagot ang mga sangkot sa flood control scandal.

“Ang sabi ng Pangulo natin, kailangan bilisan na natin ang pananagot ng mga dapat managot,” giit ni Dizon.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na wala pang takdang panahon sa pagbawi ng mga perang ninakaw sa proyekto.

“So, ‘yung mga nabanggit kong halaga, iyon pa lang ang aking nakikita. Pero ako’y nakatitiyak na marami pa tayong mababawi dito. Patuloy naming gagawin ‘yan,” ani ng Pangulo.

(CHRISTIAN DALE)

133

Related posts

Leave a Comment