NAUNGKAT ang problema sa sudden unintended acceleration o SUA na dati nang inireklamo laban sa Montero ng kumpanyang Mitsubishi Motors sa aksidenteng naganap nitong Miyerkoles sa Quezon City.
Nahaharap sa kasong “reckless imprudence resulting to damage to property” ang isang babaeng mahigit 70 taong gulang matapos sumalpok sa sangay ng Land Bank of the Philippines (LBP) sa nasabing lungsod ang kanyang Mitsubishi Montero.
Maparurusahan ang babaeng mahigit 34 taon nang driver kung mapatunayang siya ang may sala kung bakit dumiretso papaloob ng LBP-Muñoz Branch ang minamaneho niyang Montero (model 2012).
Ipinaliwanag ng babae sa pulis ng Quezon City Police District-Traffic Sector-6 (QCPD-TS-6) na ang pagdiretso ng kanyang Mitsubishi Montero 2012 sa loob ng bangko ay resulta ng “sudden unintended acceleration”.
Ipinunto niya sa media na sa kanyang edad ay hindi niya hinangad na magkakaso dahil sa pagmamaneho ng Mitsubishi Montero.
Ipinaliwanag niya na inilagay niya ang gear ng kanyang sasakyan sa reverse para mag-back up.
Pero, ang nangyari ay nagsimula ang kanyang Montero na umabante patungo sa harapan ng bangko.
Tinapakan ng babae ang brakes at sinubukan pang pahintuin ang sasakyan, ngunit hindi tumigil hanggang dumiretso sa loob ng bangko.
Ang naranasan ng nasabing senior citizen sa Mitsubishi Montero ay hindi bagong pangyayari dahil mayroon nang mga naganap na parehong problema sa Montero ilang taon na ang nakalipas.
Dati nang pinaimbestigahan ng Mitsubishi Motors Corporation (MMC) ang isyu tungkol sa SUA ng mga lumang modelo ng Montero dahil 196 nito ang nasangkot sa mga aksidente na ang sinisising dahilan ay ang bigla nitong pag-arangkada.
Noong 2016, naglabas ang Mitsubishi ng bagong modelo ng nasabing SUV. (NELSON S. BADILLA)
