RAPIDO Ni PATRICK TULFO
ILANG buwan nang hawak ng inyong lingkod ang problema ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kanilang mga bagahe na ilang taon at buwan nang hindi nakararating sa kanilang mga mahal sa buhay rito sa Pilipinas.
Sa ngayon, bukod sa nauna nang inireklamo sa amin na Allwin Cargo, CMG, Kabayan Express Cargo, natisod pa namin ang iba pang cargo company na nang-aabandona ng mga bagahe ng OFWs.
Mula sa mga padala muna sa UAE, meron na rin kaming hawak na reklamo na mga bagaheng mula Australia, Canada at Korea. Karamihan sa mga ito ay mga inabandonang container at kasalukuyang nakatengga sa Bureau of Customs.
Ang masaklap dito, wala namang batas ang Pilipinas para protektahan ang mga bagaheng padala ng ating mga tinaguriang mga “Bagong Bayani”.
Kahit na nakipag-ugnayan na ang inyong lingkod sa tanggapan ng BOC at Department pf Migrant Workers (DMW), sa pangunguna ni Sec. Toots Ople, wala pa rin silang magawa kundi magtulungan na mailabas ang mga inabandona na mga container para mai-deliver ang mga bagahe. Pero hindi sapat ang pondo ng DMW para sustentuhan ang milyon-milyong halaga ng penalties at duties ng nasabing mga container na napunta sa bulsa ng mga kawatang cargo company sa ibang bansa.
Nakikipag-ugnayan na ang aming programa sa opisina ni Sen. Raffy Tulfo na siyang may hawak ng committee ng Migrant Workers. Nais nating ilapit kay Sen. Tulfo para makagawa ng hakbangin para protektahan ang OFWs sa mga ganitong uring pang-i-scam ng cargo companies kung saan malaki rin ang epekto sa ating ekonomiya dahil kinakailangan pang maglabas ng pondo ng gobyerno para ma-deliver ang mga bagahe sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa pamamagitan ng maipapasang mga batas, kailangang panagutin ang mga may kasalanan sa pag-abandona ng mga container sa Customs at upang huwag nang maulit pa ang ganitong uri ng problema.
