GIMIK lang kung ilarawan ng isang mambabatas ang anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagtanggap umano nito sa pakiusap para sa kanyang pagtakbo bilang bise-presidente.
Ani Bayan Muna partylist Rep. Ferdinand Gaite, layon lamang umano ng nasabing anunsyo na tabunan ang kontrobersya kaugnay ng inilabas na pagsusuri ng Commission on Audit (COA) laban sa Department of Health (DOH) at iba pang tanggapan ng pamahalaan.
Partikular na tinukoy ng kongresista ang aniya’y kwestiyonableng paggamit ng pondo at kapalpakan ng DOH sa pagtugon sa pandemya.
Paliwanag pa ni Gaite, nakadududa ang biglang paglalabas ng political plans ng pangulo. Aniya, hindi pangkaraniwan ang mabilis na pagtugon ni Duterte na dagling tinanggap ang nominasyon ng PDP-Laban wala pang 24 oras mula nang lumabas ang resolusyon ng partido.
Gayundin ang obserbasyon ng mambabatas kaugnay ng sumunod na pahayag ng pangulo hinggil sa pag-atras sa planong kandidatura sakaling magpasya ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na sumabak sa 2022 presidential election.
“Tigil-tigilan na muna ni Pres. Duterte ang kanyang mga pakulo, mga pakulo upang ilihis ang usapin mula sa mga reports ng Commission on Audit, at ng patuloy na lumalalang pandemya at palpak nilang tugon dito,” ani Gaite.
“Duterte is obviously just putting on a show, a political circus to distract everyone from the more important issues haunting his corrupt and inutile regime,” dagdag pa ng mambabatas.
Hindi umano kayang pahupain ni Duterte ang ngitngit ng mamamayan sa kinasasadlakan ng bansa dahil sa inutil na pagtugon sa pandemya, pagkakalubog ng bansa sa utang, kawalan ng trabaho at higit sa lahat ang katiwalian na isiniwalat sa report ng COA. Ito rin umano ang nagtulak sa pangulo para gumawa ng pakulong maglilihis sa atensyon ng publiko.
Lakas ng loob tumakbo
“Duterte messed up his presidential term yet he still has the guts to run for vice president”.
Ito naman ang reaksyon ni Magdalo party-list Rep. Manuel Cabochan III sa pagtanggap ni Pangulong Duterte sa nominasyon na tumakbo bilang bise presidente.
“Libu-libo ang namatay sa kanyang administrasyon. Palpak ang naging tugon sa pandemya. Kaliwa’t kanan ang mga kaso ng kurapsyon na pinalusot lamang,” anang mambabatas.
Gayunpaman, may lakas pa umano ito ng loob na tumakbo bilang pangalawang pangulo gayung wala namang public clamor para ipagpatuloy nito ang panunungkulan dahil inilagay niya ang bansa sa matinding krisis.
Ayon naman kay ACT party-list Rep. France Castro, magtutuloy-tuloy ang sakripisyo ng sambayanang Filipino kapag tumakbo at nanalo si Duterte sa susunod na eleksyon.
Reaksyon ito ng mambabatas sa pahayag ng PDP-Laban na “President Rodrigo Roa Duterte agreed to make the sacrifice and heed the clamor of the people and accepted the endorsement of the PDP-Laban party for him to run as vice president in the 2022 national elections”.
Ganito rin ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat dahil sa loob ng limang taon aniya ni Duterte, wala itong natupad sa kanyang mga pangako noong kampanya bagkus ay ibayong kahirapan ang dinanas ng mahihirap na mamamayan sa pamamalakad niya bilang pangulo. (BERNARD TAGUINOD)
173 