Panukala ni Sen. Erwin sa Senado ‘LICENSE FOR RENT’ MODUS GAWING KRIMEN

INIHAIN ni Senador Erwin Tulfo, acting Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang isang panukalang batas upang gawing krimen ang tinatawag na “license for rent” scheme, na lumabas bilang pangunahing modus operandi sa mga nakaraang pagdinig ng Senado tungkol sa flood control scam.

Sa ilalim ng iminumungkahing “License Integrity Act,” ang pagpapahiram, paghiram, at mapanlinlang na paggamit ng mga lisensya ay papatawan ng parusang pagkakakulong na hindi bababa sa tatlong (3) taon hanggang hindi hihigit sa labindalawang (12) taon, at/o multa na hindi bababa sa tatlong daang libong piso (P300,000.00) ngunit hindi hihigit sa tatlong milyong piso (P3,000,000.00).

Ang nasabing panukala ay sasaklaw hindi lamang sa lisensya ng mga kontraktor sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kundi pati na rin sa lisensya ng mga customs broker sa Bureau of Customs (BOC), at environmental licenses sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

“Ang mga pribilehiyong ito ay madalas na naaabuso. Lumitaw ang nakakabahalang gawain kung saan ang mga pinagkalooban ay nagpapahiram, nagpapaupa, nagbebenta, o kung hindi man ay nagpapahintulot sa mga third parties na ilegal na gamitin ang kanilang mga lisensya, habang ang iba ay mapanlinlang na kumukuha o nagpapakilala upang ikubli ang mga labag sa batas na transaksyon,” pahayag ni Tulfo.

Sa panukalang batas din ng baguhang Senador, ang mga opisyal ng gobyerno na mag-iisyu ng lisensya sa mga walang kwalipikasyon o may conflict of interest na aplikante ay paparusahan din ng administratibo at kriminal.

“Ito ay nagpapatunay na ang mga lisensya at permit ay dapat manatiling personal at hindi maililipat ang mga pribilehiyo nito sa iba na di naman kwalipikado,” sabi ng mambabatas.

Ayon kay Tulfo, ang panghuli at pangunahing layunin ng panukalang ito ay upang ibalik ang integridad ng mga lisensya at permit na ipinagkaloob ng gobyerno, palakasin ang pananagutan, pigilan ang mga pang-aabuso na sumisira sa pamamahala, at tiyakin na ang mga pribilehiyo ng lisensya ay magsisilbi lamang sa kanilang ligal at nararapat na layunin.

78

Related posts

Leave a Comment