APRUBADO na sa House Committee on Tourism ang mga panukalang mag-aalis sa travel tax, kabilang ang House Bill No. 7443 na inihain ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
Sa pagdinig na pinamunuan ni Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona, inaprubahan ang anim na panukala kaugnay nito.
Ang travel tax ay kasalukuyang pinakikinabangan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Commission on Higher Education (CHED), at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Ayon kay TIEZA COO Mark Lapid, 90% ng operating budget ng ahensya ay mula sa travel tax collections. Sa panig naman ng CHED, sinabi ni Chair Shirley Agrupis na 85.6% ng Higher Education Development Fund ay nagmumula rito. Tinatayang ₱600 milyon hanggang ₱700 milyon naman kada taon ang napupunta sa NCCA.
Sa kasalukuyan, ₱2,700 ang travel tax para sa first-class passengers at ₱1,620 para sa economy travelers.
Tiniyak ni Marcos na hindi aabandonahin ang pondo ng mga apektadong ahensya at idadaan na lamang sa General Appropriations Act ang kanilang budget.
Ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo, maaaring mawalan ng ₱8 bilyon ang gobyerno sa simula ngunit inaasahang mababawi ito sa loob ng 18 buwan at posibleng kumita ng ₱22 bilyon dahil sa pagtaas ng turismo.
(TINA MENDOZA)
4
