SA kabila ng mga datos na pahiwatig ng nagbabadyang paglobo ng mga kaso ng nakamamatay na karamdaman, isang paandar ang pinakawalan ni outgoing Health Secretary Francisco Duque. Ayon sa Kalihim, nagawang supilin ng kanyang departamento ang COVID-19, kasabay ng giit na suportado ng datos ang kanyang pagtataya.
Pero iba ang sinasabi ng Octa Research Group.
Ayon sa Octa, muling dumarami ang bilang ng mga kumpirmadong dinapuan ng nakakahawang COVID-19 Omicron sub variants. Sa Metro Manila pa lang, tumaas ng 10% ang arawang talaan ng mga positibo, batay sa datos ng Octa Research Group.
Bagamat sapul ng gobyerno ang target na 70% vaccination rate para sa unang dalawang turok, tumamlay naman ang antas pagdating sa booster shots. Dangan naman kasi, naging abala ang mamamayan sa nakaraang halalan.
Hindi na rin nakikitaan ng sigasig ang kanyang departamento, marahil dahil patapos na rin naman ang kanilang termino kasabay ng pagbaba sa pwesto ng paretirong si Pangulong Rodrigo Duterte sa huling araw ng Hunyo.
Magkwenta tayo. Sa sariling datos ng kanyang kagawaran, lumalaro pa rin sa 185 kada araw ang bagong kaso ng Omicron sub variant na may kakayahang makahawa sa 11 pang close contacts ng isang positibo. Lumalabas na posibleng nakahawa na sila sa 2,035. Paano kung ang nasabing bilang ay nakahawa rin sa kanilang nakasalamuha? Sa simpleng matematika, 22,385 pa ang madadagdag – at posible pang maipasa sa iba hanggang sa muling dumami na naman ang mga pasyente.
Walang masamang mag-ulat sa totoong kalagayan ng bansa sa aspeto ng kalusugan. Pero ang magsabing tapos na ang pandemya, parang ‘di naman yata tama.
Sa halip na magpapogi sa nalalabing araw sa puwesto, mas angkop sigurong sipagan na lang ni Duque ang pagganap sa kanyang mandato.
Paano? Pasiglahin niya ang pagbabakuna sa sektor ng mga kabataang nakatakdang bumalik sa kani-kanilang silid-aralan bunsod ng pagbabalik ng face-to-face classes sa malaking bahagi ng bansa.
Pinakamataas ang vaccine hesitancy sa hanay ng mga magbabalik-eskwela.
Sa kagalang-galang na kalihim, iwan mo sa mga tao ang pagbibigay ng grado sa iyo bilang kalihim at sa DOH na nasa ilalim ng iyong pamumuno.
Mahirap kalimutan ang bangungot na dulot ng kapalpakan niyo sa nakalipas na dalawang taon at dalawang buwan.
145
