HINIKAYAT ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na boluntaryo nang bumaba sa kanyang pwesto upang hindi maulit ang nangyari sa kanyang ama na puwersahang pinaalis sa Malakanyang sa pamamagitan ng people’s power revolution.
“Pag ‘di siya bumitaw, I am dead sure, mapapatalsik siya,” ani Singson sa kanyang pagdalo sa buwanang MACHRA ‘Balitaan’ ng Manila City Hall Reporters’ Association na ginanap sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Manila.
Sa ngayon, sinabi ni Singson na may option pa si Marcos para magkaroon ng “honorable exit” at sundin ang panawagan na magbitiw na siya sa tungkulin.
Nagbabala rin si Singson kay Marcos na kung magpapatupad ito ng martial law ay lalong magagalit ang mga tao sa kanya.
Sinabi pa ni Singson, dapat ay isantabi muna ni BBM ang pamumulitika at personal na ambisyon at isipin ang kapakanan ng taumbayan.
Nilinaw ni Singson na ang kanyang adbokasiya ay magkaroon ng mapayapang pagkilos at hindi siya nananawagan sa militar para mag-withdraw ng kanilang suporta sa administrasyon.
Itinanggi rin ni Singson ang ulat na iniuugnay siya sa destabilisasyon laban sa administrasyong Marcos.
Aniya, ang ginawa lamang niya ay nagdala ng pagkain at hindi niya kakilala ang mga taong sinasabing nasa likod ng September 21 rally.
Samantala, kinuwestiyon ni Singson ang kredibilidad ni Palace spokesperson Usec. Claire Castro na dating anti-Marcos, at ipinakita pa nito ang video ni Castro na binabatikos si Marcos sa iba’t ibang isyu.
(VERLIN RUIZ)
85
