AKYAT-BAHAY NATUNTON SA NINAKAW NA GADGET

CAVITE – Arestado ang isang hinihinalang akyat-bahay nang matunton ang kinaroroonan nito dahil sa gadget na tinangay mula sa niloobang apartment ng isang babaeng engineer sa Gen. Trias City noong Huwebes ng hapon.

Hawak na ng Gen. Trias Component City Police Station ang suspek na si alyas “Paul”, 46, isang delivery rider, ng Brgy. San Miguel 2, Silang, Cavite.

Ayon sa salaysay ng biktimang si alyas “Joana Mae”, 29, isang engineer, ng Brgy. Biclatan, Gen. Trias City, umalis siya sa kanilang bahay at nagtungo sa isang ospital sa Maynila upang magpa-checkup.

Bandang alas-3:30 ng hapon nang bumalik siya sa kanyang apartment, nang mapansin na sira na ang doorknob ng pintuan at nawawala ang MacBook M4, Samsung Tablet, S10 FE’ Nikon D7200 camera, Fujifilm Mini EVOCamera, at cash na P20,000 o kabuuang P180,000.

Bunsod nito, humingi ng tulong ang biktima sa Manggahan Compac na ni-review ang CCTV sa lugar at namukhaan ang suspek.

Gumamit sila ng application na locator sa pamamagitan ng gadget na tinangay ng suspek kung saan natunton ang kinaroroonan nito at nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

(SIGRED ADSUARA)

95

Related posts

Leave a Comment