NAGBABALA si Senador Win Gatchalian na mapanganib ang gagawing house to house ng mga awtoridad upang hanapin ang mga COVID-19 patient at ilipat sa mga government quarantine facility.
Ayon kay Gatchalian, may posibilidad na mahawa ang mga pulis sa mga pasyente kung ipagpapatuloy nila ang ganitong hakbang.
“Yung house to house is very dangerous, delikado. Maraming asymptomatic eh. Baka mahawahan ang mga pulis natin at kapag nahawahan, magkukulang tayo sa tao,” saad ni Gatchalian.
Bukod dito, masasayang lamang din anya ang oras ng mga pulis dahil iisa-isahin ang mga bahay gayung kulang na nga ang kanilang bilang para sa mahigpit na pagbabantay upang matiyak na nasusunod ang health protocols.
Nilinaw naman ng senador na suportado niya ang hakbang na dapat ay ilagay sa isolation centers ang lahat ng positibo sa virus kahit ang mga asymptomatic o walang sintomas.
Ang pinakamabisang paraan anya sa sandaling nagpositibo sa test ay dapat nang idiretso sa isolation facilities at huwag nang payagang umuwi ng kanilang mga bahay.
Dapat din anyang maging mandato ng mga lokal na pamahalaan na maglagay ng isolation centers sa kanilang nasasakupan upang hindi rin mailayo nang husto ang mga pasyente sa kanilang pamilya.
“Ang advise ko nga change the policy and mandate LGUs to bring the positives to isolation centers,” saad pa ni Gatchalian. (DANG SAMSON-GARCIA)
