Para kapani-paniwala – Ungab KAMARA ‘WAG UMEPAL SA FC INVESTIGATION

(BERNARD TAGUINOD)

DAHIL sa pagkakadawit ng ilang kongresista sa flood control projects, nararapat lamang na hindi pakialaman ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang imbestigasyon sa nasabing anomalya.

Ito ang iginiit ni Davao City Rep. Isidro Ungab sa kanyang privilege speech sa gitna ng kontrobersya sa flood control projects na naging dahilan para sabihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga sangkot ng “mahiya naman kayo!”

Ang Kamara sa pamamagitan ng House committee on public accounts ay nagsimula nang mag-imbestiga sa flood control projects at tutulungan umano ito ng House committee on good government and public accountability at committee on public works.

Gayunpaman, sinabi ni Ungab na mahalagang may tiwala ang publiko sa nag-iimbestiga kaya imbes na Kamara ang mismong mag-imbestiga ay dapat ipaubaya ito sa ibang investigation body lalo na’t may isinasangkot na mga miyembro ng kapulungan.

“Without public trust, our hearings risk becoming mere spectacle, empty of substance and justice. If the House investigates itself, will the nation believe in our fairness? Or will they see this only as a drama staged to clear the accused by default? Many people will just call it a sarsuela, whose ending is predetermined,” ani Ungab.

Meron aniyang Office of the Ombudsman at Commission on Audit (COA) ang pwedeng mag-imbestiga at kung talagang malinis umano ang mga kongresista na inaakusahang sangkot sa mga maanomalyang proyekto ay ipaubaya ang imbestigasyon sa iba.

Maaari rin aniyang magtatag ang gobyerno ng isang mapagkakatiwalaan na anti-corruption body na katulad ng Independent Commission Against Corruption (ICAC) ng Hong Kong at Corrupt Practices Investigation Bureau (CPIB) ng Singapore.

“Let us show the Filipino people that we fear no truth, that we are ready to cleanse our own ranks if called for,” ayon pa sa mambabatas.

Dapat Credible

Kaugnay nito, pinatitiyak ni Senate Majority leader Joel Villanueva na impartial at may kredibilidad ang resulta ng imbestigasyon kaugnay sa mga kwestyonableng flood control projects.

Ito ay kasunod na rin ng paglulunsad ng gobyerno ng website na Sumbong kay Pangulo para sa updates sa mga flood control projects.

Kasabay nito, sinabi ni Villanueva na nasa kamay ni Pangulong Marcos ang kapalaran ni DPWH Secretary Manuel Bonoan habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat.

Kung nananatili anya ang tiwala ng Pangulo sa kalihim ay siya lamang ang makapagsasabi kung dapat itong manatili sa pwesto.

“Sa akin lang talagang importante na maging impartial ang investigation at maging mataas ang kredibilidad ng pag-imbestiga dito na talagang walang sasantuhin at talagang isa lang ang bottomline panagutin ang dapat managot,” ani Villanueva.

Sa usapin naman kung sino ang dapat mag-imbestiga, iginiit ni Villanueva na matapos banggitin ng Pangulo sa SONA ang usapin umaasa siya ng mas malawak pang pagbusisi dito.

Demolition Job

Samantala, malisyoso at ill-timed ang paglalabas ng artikulo kaugnay sa pagkamal ng bilyun-bilyong pisong kontrata ng campaign donor ni Senate President Francis Chiz Escudero na si Lawrence Lubiano.

Sinabi rin ni Escudero na bahagi pa rin ito ng demolition job at PR campaign laban sa kanya na naglalayong matanggal siya sa pwesto bago maihain ang susunod na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa paniniwala ni Escudero, mula sa Kamara ang demolition job sa kanya partikular ang mga kongresista na naapektuhan ng aksyon ng Senado sa impeachment case.

Kinumpirma ng Senate leader na naging campaign contributor niya si Lubiano subalit itinangging may kinalaman siya sa mga kontratang nakuha ng kumpanyang Centerways Construction and Development Incorporated.

Bagama’t wala anyang nakalagay sa artikulo na may ilegal siyang ginawa nais niyang agad tugunan ang mga insinuation na dulot ng istorya.

Binigyang-diin pa ng senador na karamihan sa mga kontrata na nakuha ni Lubiano ay bago pa siya nakabalik bilang senador.

Sinita rin ni Escudero kung bakit inuungkat ang isang porsyento ng P550 bilyong flood control projects na binanggit ng Pangulo at hindi ang 99% ng proyekto.

Patutsada pa niya kung bakit hindi sinisilip ang mga mismong kontratista na mga opisyal at mga mambabatas.

(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)

79

Related posts

Leave a Comment