UPANG mapadali ang pagsubaybay kung saan dinadala at papaano ginagamit ang national budget, iginiit ng isang mambabatas na magbukas ang gobyerno ng ‘budget transparency server’.
Ginawa ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima ang panawagan dahil ito umano ang nais ng civil society organizations (CSOs) na inimbitahan ng Kongreso bilang mga observer sa deliberasyon ng 2026 national budget na nagkakahalaga ng P6.793 trillion.
“Pera ito ng taumbayan kaya dapat lang naman na alam nila kung anong nangyayari—kung saang serbisyo ito planong gamitin o ilipat, lalong-lalo na para maprotektahan ito at hindi mapunta sa bulsa ng mga gahaman at mapagsamantala,” ayon sa mambabatas.
Dagdag pa nito, ang transparency server ay katulad umano ng sistema na ginagamit ng Commission on Elections (Comelec) kung saan inire-report ang resulta ng halalan, upang mas madaling makita kung may binubura o isinisingit na pondo sa pambansang pondo.
“Through this open budget transparency server, magdadalawang-isip ang mga may pansariling interes dahil maraming mata ang nakabantay. Maiiwasan ang mga singit at kupit sa pondo na ipinagkakait ang mga serbisyo at programang talagang nakatutulong sa taumbayan,” dagdag ng lady solon.
Ipinaliwanag ng mambabatas na libu-libo ang pahina ng pambansang pondo tulad ng 2025 national budget na higit 7,000 kaya mahirap aniyang galugarin kung saan ginagamit ang pera ng bayan.
“Hindi lang basta pagkwenta kung magkano, dapat siguruhing may kwenta ang pinaglalaanan ng pondo. Kaya napakahalaga ng collaborative efforts with various relevant CSOs, tulad ng People’s Budget Coalition and Social Watch Philippines,” paliwanag pa ni De Lima.
Ngayong araw ay muling ipagpapatuloy ng House committee on appropriations ang pagbusisi sa National Expenditure Program (NEP) kung saan salalang ang Civil Service Commission (CSC), Commission on Human Rights (CHR) at Commission on Audit (COA).
(BERNARD TAGUINOD)
