Para mapabilis ang paglilinis kontra droga PNP COLONELS, GENERALS PINAGBIBITIW NI ABALOS

(JESSE KABEL RUIZ/BERNARD TAGUINOD)

SA hangaring tugunan ang kabi-kabilang panawagang “rigodon” sa hanay ng kapulisan, nanawagan si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa lahat ng mga heneral at koronel na magsumite ng kanilang “courtesy resignation” bilang bahagi ng isasagawang paglilinis sa Philippine National Police (PNP).

Sa isang pulong-balitaan, nagpahayag ng pagkabahala si Abalos hinggil sa di umano’y pagkakadawit ng mga matataas na opisyal ng pulisya sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot at maging sa iba pang ilegal na aktibidades.

“Ako ay nananawagan sa lahat ng full colonel hanggang sa general, ako ay umaapela na mag-submit ng courtesy resignation. Alam kong mabibigla kayo pero this is the only way to make a fresh start,” giit ni Abalos sa tinatayang 300 full colonels at heneral.

Paglilinaw ng DILG chief, kabilang sa kanyang inaasahang maghain ng “courtesy resignation” si PNP chief Rodolfo Azurin.

“Sana lang they will support this call,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa Kalihim, isang komite ang inatasan niyang magrebisa sa mga isusumiteng liham ng pagbibitiw. Gayunpaman, hindi tinukoy ni Abalos ang pagkakakilanlan ng limang miyembrong bubuo sa nasabing komite.

“This is a very radical move, but we have to do this,” aniya pa.

Pag-amin ni Abalos, ang naturang hakbang ay halaw sa ginawa ng noo’y Pangulong Fidel V. Ramos sa PNP bunsod ng isang kontrobersiya.

“Ginawa na ito noong 1992, if I’m not mistaken by General, President Ramos. Remember noong nagkaroon ng isyu tungkol sa I think it was the uniform, pinag-resign nila,” pahabol ng Kalihim.

Bilang tugon, tiniyak ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Redrico Maranan na tatalima ang kapulisan sa panawagan ni Abalos.

“Kami po sa Pambansang Pulisya ay susunod at tatalima kung anuman po ang desisyon ng ating mga political leaders. Sapagkat alam po namin na lahat ng mga desisyon na ito ay para sa ikabubuti ng aming organisasyon at ng ating bansa,” sambit ni Maranan sa isang sabayang panayam.

Suportado
sa Kamara

Umani naman ng suporta sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panawagan ni Abalos sa top police officers na maghain ng kanilang courtesy resignation.

Ayon kay House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers, napapanahon ang panawagan ni Abalos upang malinis ang hanay ng kapulisan at magtumpay ang kampanya laban sa ilegal na droga.

“Sumusuporta ako sa panawagan na mag-tender ng resignation ang mga opisyal ng PNP nang sa ganun ay malinis mabuti ang hanay nila,” ani Barbers.

Layon umano ng panawagan ni Abalos na ma-shortcut ang proseso at maalis sa puwesto ang mga opisyal ng PNP na sangkot sa ilegal na droga.

Sinabi ni Barbers na walang dapat ikatakot ang mga PNP official dahil tanging ang mga sangkot sa ilegal na droga ang aalisin at mananatili pa rin ang mga walang bahid.

“Huwag silang matakot kung malinis sila,” ani Barbers.

Ayon sa mambabatas, talagang mahirap ang laban sa ilegal na droga kung may matataas na opisyal ng PNP ang sangkot sa sindikato kaya mahalagang malinis aniya ang hanay ng mga ito.

257

Related posts

Leave a Comment