SARKASTIKONG hinikayat ni Presidential spokesperson Harry Roque si Senador Risa Hontiveros na mag-enroll sa kanyang klase kung maiisipan niyang bumalik sa pagtuturo hinggil sa international law.
Tugon ito ng kalihim matapos umanong sabihin ni Hontiveros na bagama’t pinupuri nito ang naging hakbang ng pamahalaan na maghain ng diplomatic protest sa China sa isyu pa rin ng West Philippine Sea ay binira naman nito si Sec. Roque sabay sabing “baka kailangan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ng kaunting oras na magmuni-muni at mag-reflect. Sana ay pag-isipan muna ang situwasyon kaysa sa mag-abogado para sa Tsina. At magkibit-balikat sa lantarang pambabalewala nito sa international law na pumo-protekta sa ating interest.”
‘Hindi ko po alam kung ano ang sinasabi ni Senator Risa Hontiveros. As past President of Asian Society of International Law (AsianSIL), siguro alam ko naman po ang international law. 15 taon ko po iyan tinuro.. fulltime sa UP. At nagkaroon po ako ng advanced training sa international law. Malinaw po ang sinabi ko noong lumabas po iyong bagong batas ng Tsina na sinasabi ko na bagama’t mayroon silang kapangyarihan gumawa ng kanilang mga batas ay kinakailangan na sang-ayon iyan sa general international law na pinagbabawal ang paggamit ng dahas except by way of self defense or when authorized by the security council,” buweltang pahayag ni Sec. Roque.
Sinabi ni Roque na hindi naman kailangan pang diktahan ni Senadora Risa ang presidente at hindi na niya kinakailangan sabihin kung ano ang gagawin ng nito. (CHRISTIAN DALE)
