PARA-PARAANG PAGTUGON SA KRISIS

KUNG may dapat manguna sa panawagang pagtitipid sa konsumo ng langis at kuryente, ‘yan ay ang mismong naglabas ng panawagan – ang Department of Energy at iba pang tanggapan ng pamahalaan.

Hindi na bago sa mga ahensya ng gobyerno ang paggamit ng government vehicles lalo pa’t sadyang kailangang bumaba ng pamahalaan sa pinakaabang sektor ng lipunan upang batirin ang mga suliranin, pulso at pangangailangan.

Pero iba ang katotohanan. Marami sa mga opisyal ng pamahalaan ang walang habas sa paggamit ng government vehicles sa mga lakad na sa kanilang mandato’y wala namang kinalaman.

Ano nga ba ang angkop na gawin ng ­pamahalaan para magsilbing huwaran? Una, bawasan man lang ang kapritso ng mga nasa pwesto. Sa mga personal na lakad ng mga opisyal ng pamahalaan at ng kanilang mga empleyado, huwag idamay ang pondo ng ­gobyerno.

Angkop din marahil ang paggamit ng shuttle service para makatipid naman ang mga ­kawa­ning nagtitiis sa kakarampot na sweldo.

Sa usapin ng enerhiya, pinakamainam ang paggamit ng hybrid power source tulad ng ginawa ng bayan ng Angono. Ang ginawa ng kanilang mga namumuno, gumamit ng solar panels na pinaghuhugutan ng kuryente ng ilan sa kanilang mga tanggapan.

Ang resulta – lumalaro sa 25% hanggang 35% ang natapyas sa buwanang bayarin sa Meralco gamit ang enerhiyang mula sa ikinabit na solar panels noong nakaraang buwan ng Marso.

Sa hanay naman ng mga nasa labas ng pamahalaan, panahon na marahil para ­ikonsidera ang programang “car-pooling” sa mga may sariling oto. Sa ilalim ng naturang sistema, isang kotse lang para sa lima kataong ­patungo sa iisang lugar ng trabaho at maging sa pag-uwi sa kani-kanilang tahanan.

Pwede rin namang magbisikleta kung malapit lang naman ang kanilang pinagtatrabahuhang pabrika o opisina.

Sa gitna ng dinaranas na krisis, kailangan ng kaunting pagtitiis. Kung gusto may paraan, kung ayaw naman siguradong may kanya-kanyang dahilan.

Ilang ulit na ba tayo dumanas ng matinding pagsubok? Hindi na mabilang ‘di ba? Patunay ‘yan kung gaano kahusay dumiskarte at gaano katibay ang dibdib ng mga Pilipino.

219

Related posts

Leave a Comment