Para sa libreng annual check-up ng mga Pinoy PET BILL NI DEFENSOR WALANG KUMONTRA

SINUPORTAHAN ng lahat ng mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas ni Anakalususgan party-list Rep. Mike Defensor na libreng annual check-up sa lahat ng mga Filipino.

Sa botong 245 pabor at walang kumontra, pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 9072 o Free Annual Medical Check-up Act na inakda ni Defensor.

Inaantay na lamang ang bersyon ng Senado sa nasabing panukala para maisalang ito sa bicameral conference committee saka raratipikahan sa dalawang kapulungan bago pirmahan ng pangulo upang maging ganap ng batas.

Base sa nasabing panukala, magkakaroon ng libreng medical check-up ang lahat ng Filipino, bata man o matanda, para maagapan kung meron mang sakit na iniinda ang mga ito.

“Ang bill na ito ay basically binibigyan natin ng check-up annually as part of PhilHealth program para magkaroon tayo ng preventive measures at hindi na lumala ang kanilang mga sakit,” ayon sa sponsorship speech ng health advocate na si Defensor.

Sinabi ng mambabatas, mas malaki ang matitipid ng gobyerno at maging ng bawat tao kung agad na malaman ang karamdaman ng mga ito kumpara kung lalala ang kanilang kalagayan dahil hindi nila alam na meron na silang sakit.

Sa ngayon aniya ay maraming Filipino ang hindi nakapagpapa-check-up dahil sa kahirapan sa buhay o kaya may kamahalan ang pagkonsulta sa mga doctor.

“Every year ang namamatay ay about 500,000 to 600,000 at karamihan sa kanila ay may relasyon sa mataas na cholesterol pero dahil sa kahirapan, wala pong access sa doctor, walang access sa laboratoryo hindi sila nagkakaroon ng check-up at hindi nalalaman na ganito na ang kanilang sitwasyon,” ayon pa kay Defensor. (BERNARD TAGUINOD)

126

Related posts

Leave a Comment