HABANG papalapit ang halalan ng bagong Speaker ng 20th Congress, lumalakas ang panawagan mula sa mga mambabatas na si Cebu 5th District Rep. Duke Frasco na ang mamuno sa mababang kapulungan—isang lider na may paninindigan, kakayahan, at may tunay na malasakit sa bayan.
Lumilitaw na ang Kongreso na dating tinaguriang “House of the People” ay isa na ngayong “House that divides the nation and its people”. Sa halip na pagkakaisa, nagtutulak ng bangayan, inuuna ang pansariling interes at kapangyarihan.
Si Frasco, nasa kanyang huling termino na bilang kinatawan, ay may 18 taon nang karanasan sa serbisyo publiko—mula sa pagiging alkalde, bise alkalde, hanggang sa pagiging mambabatas. Ilan sa kanyang mga nagawa ay ang pagtatayo ng mga ospital at unibersidad sa mga lugar na matagal nang napabayaan.
May edukasyon sa accounting at finance mula Amerika, at dating auditor ng multinational company, si Frasco ay kinikilala ng mga insider bilang pinakamainam na pagpipilian para sa administrasyong Marcos upang maisakatuparan ang adyenda nito sa nalalabing taon. Bukod sa karanasang pampinansyal, binibigyang halaga rin ng mga kaalyado ang kanyang “executive at legislative experience, malalim na regional representation, at disiplina sa pamamahala”.
Hindi kabilang si Frasco sa mga tradisyunal na politiko o political dynasty. Siya ay tubong Cebu at may dugong Mindanao, kaya’t kinikilala siyang may kakayahang pagdugtungin ang Visayas at Mindanao—mga rehiyong matagal nang tila naisantabi sa pambansang pulitika.
Kamakailan, tumanggi si Frasco na pumirma sa manifesto ng suporta kay Martin Romualdez bilang Speaker, bilang pagpapakita ng prinsipyo. “Hindi ito para magpasimula ng kaguluhan,” aniya.
“Gusto ko lang ipakita na kaya nating pagandahin pa ang Kongreso. Ang kailangan natin ay lider na magbubuklod, hindi yung lalo tayong pinagwawatak-watak.”
Sa pagbubukas ng sesyon sa Hulyo 28, lumalakas ang bulong sa loob ng Kongreso: panahon na para tapusin ang pulitika ng pagkakahati, at piliin si Duke Frasco bilang lider na muling magbabangon sa tiwalang nawala sa House of Representatives.
