Ni ANN ENCARNACION
HINDI man gold at Olympic silver medal lang ang maiuuwi ni Pinay boxer Nesthy Petecio, panalo pa rin siya kung pagbabasehan ang mga makukuha niyang insentibo.
Kabilang sa mga ito ang P17 million total cash incentives– P5 million base sa Republic Act 10699 para sa runner-up finishers sa Olympics, tig-P5 million mula kina corporate magnates Manny Pangilinan at Ramon Ang, at dagdag na P2 million mula kay 1Pacman Cong. Mikee Romero.
Makatatanggap din si Petecio ng P10-million Suntrust condominium sa Davao City mula sa real estate tycoon na si Andrew Tan, na nauna nang nangako ng P14-million condominium unit sa Eastwood City para naman sa unang Pilipinong Olympic gold medalist na si weightlifter Hidilyan Diaz.
Nabigo si Petecio na maging unang Pinoy boxer na Olympic gold medallist nang matalo sa final match up kontra hometown bet Sena Irie sa Kokugikan Arena.
Halos dikit ang laban ng 29-anyos na Pinay at 20-anyos na Japanese na Youth Olympic Games gold medalist din, subalit sa huli ay nakuha ni Irie ang boto ng limang hurado, 29-28, 29-28, 29-28, 29-28 at 30-27.
Historic ang panalo ni Irie dahil siya ang unang Haponesa na nanalo ng ginto sa Olympics.
PAALAM NAKA-TANSO
Nakasisiguro na ng bronze medal si Carlo Paa-lam matapos nitong ma-upset kahapon si 2016 Olympic champion Shakhobidin Zoirov ng Uzbekistan via majority decision at tuluyang umusad sa semifinals.
Apat na judges ang nagbigay ng 20-18 pabor kay Paalam, habang 19-19 ang isa pa sa laban na itinigil, 1:44 ang nalalabi sa second round dahil sa cuts sa mukha ng dalawang nagkauntugang boksingero.
Nakatitiyak na rin si middleweight Eumir Felix Marcial ng bronze at pipilitin na manalo sa semifinals sa Agosto 5 para sa inaasam na ginto sa Olympics.
Nalampasan na ng Pilipinas ang best finish nito noong 1932 Games nang magwagi ng tatlong bronze medals.
Sa ngayon ay may isang ginto mula sa unang Pinoy Olympic gold medallist na si weightlifter Hidilyn Diaz, pilak mula kay Petecio, at dalawang tanso mula kina Paalam at Marcial na ang bansa.
