PARANOID NA BA TALAGA ANG ADMINISTRASYON?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAY punto ang sinabi ni Vice President Inday Sara Duterte sa isang press conference sa Kamuning Bakery sa Quezon City kamakailan, na “paranoid” na ang administrasyon ni Junjun Marcos dahil mapaghinala ito.

Sa nasabing pulong-balitaan sa World Pandesal Day, sinabi ni VP Sara na lahat ay pinagdududahan na ni Junjun Marcos.

Sabi tuloy ng iba sa kanya (PBBM), napapraning na siya at hindi na malaman kung ano ang sasabihin sa mga Pilipino na kaliwa’t kanang bumabatikos sa kanya gamit ang social media.

Lalo na itong usapin sa flood control project anomalies na ipinagmalaki niya pa sa 2024 State of the Nation Address (SONA), at sinabi niyang mayroon 5,500 flood control projects ang tapos na at may ginagawa pa ang kanyang administrasyon.

Makalipas ang isang taon, noong 2025 SONA ay sinabi naman niyang “MAHIYA NAMAN KAYO” sa harapan ng mga mambabatas na dawit sa maanomalyang flood control projects.

Pinalakpakan pa siya ng mga ito nang banggitin niya ang katagang “MAHIYA NAMAN KAYO”, hindi natin alam kung ano ang nasa isip ng mga mambabatas na pumalakpak. Kung bumilib ba sa tapang ni Junjun Marcos sa isiniwalat nito o insulto ‘yun na hindi sila kayang ipakulong ng presidente dahil sa nasabing katiwalian.

Sabi naman ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na hindi dapat “MAHIYA NAMAN KAYO”, kundi “MAHIYA NAMAN TAYO” ang dapat sinabi ni Junjun Marcos dahil siya ang pumirma ng budget na pinagmulan ng pondo ng maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Singson, hindi maaaring maghugas-kamay si Junjun Marcos dahil bago niya pirmahan ang budget ng gobyerno ay binabasa niya ito, imposibleng hindi niya nakita ang mga isiningit na malaking halaga ng pondo ng mga mambabatas para sa kanilang proyektong pinagkakitaan.

Sinabi pa ni Singson na hindi maaaring sabihin niya (PBBM) na wala siyang alam, command responsibility niya rin ang mga pagnanakaw sa kaban ng bayan dahil siya ang ama ng bansang Pilipinas.

Ngayon, may isa na namang dahilan para sabihing totoo ang mga balitang may nagpaplanong pabagsakin ang administrasyong ni Junjun Marcos, at isiniwalat ni Mon Tulfo ang mga pangalan na umano’y dawit sa destabilization plot.

Pinangalanan ni Tulfo sina Retired General Romeo Poquiz, Orly de Leon, Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Johnny Macanas, Gerald Bantag, Col. Lachica, Col. Leonardo, Col. Metran, Capt. Dado Enriquez, Atty. Ferdinand Topacio, dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez, Mike Defensor, Chavit Singson, Senator Rodante Marcoleta, Orlando Olamit, at alias “Monk”.

Sana binanggit na ni Tulfo ang lahat ng mga Pilipino na dismayado na sa nangyayaring matinding korupsyon sa pamahalaan.

Sa ganang akin, kahit ako ay sasabihin ko na mag-resign na lang si Junjun Marcos kung hindi niya na kaya ang trabaho niya.

Wala na tayong maaasahan na magiging kaayusan pa sa pamahalaan dahil wala nang tiwala ang taumbayan sa administrasyon, maging ang mga artista at mga pari ay iisa ang kanilang pananaw na dapat managot ang mga kurakot, subalit hanggang ngayon ay wala pang nasasampahan ng kaso sa mga mambabatas.

Ngayon dahil magkakaroon ng malakihang rali na magsisimula sa Nov. 16 hanggang 19 at mayroon pa sa Nov. 30 sa Bonifacio Day, ay sinasabing may nagbabanta ng destabilization plot. Ano ‘yan gimmick?

‘Yan ay strategy para sabihin na sila ang tama at ang magsasagawa ng malakihang rali ay mali. Kahit ano pa ang sabihin niyo, marami nang hindi kuntento sa pamalalakad ng administrasyon ni Junjun Marcos.

Sinasabi n’yong isa si VP Sara sa financier ng destabilization plot, eh sa kanyang press conference kamakailan ay hinikayat niya na ‘wag munang magrali ang mga tao sa kalye, unahin muna nila ang trabaho at negosyo dahil sa hirap ng buhay ngayon.

Maging ang PDP Laban at si Atty. Vic Rodriguez ay ayaw sa magulong protesta dahil ayaw nilang may masaktan sa mga ordinaryong Pilipino. Praning na ba talaga ang administrasyon?

oOo

Para sa suhestiyon at reklamo mag-email sa operarioj45@gmail.com

3

Related posts

Leave a Comment