(Ni BERNARD TAGUINOD)
Paaamyedahan ng oposisyon sa 18th Congress ang Republic Act (RA) 7941 o Party-list Law upang tanging ang mga marginalize sector at may constituent sa buong bansa ang magkaroon ng kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ang tiniyak ng grupong Magnificient 7 sa Kamara sa pangunguna ni Albay Rep. Edcel Lagman sa press conference sa gitna ng kontrobersyal na isyu sa kaso ni dating National Youth Commission (NYC) chairman Ronald Cardema na gustong maging kinatawan ng Duterte Youth party-list group.
“I think we really need to seriously revisit the party-list law. I am principal author of this law aimed to represented marginalized sectors… But that has been bastardized by the Comelec. And even the SC has decisions which is not consistent with the spirit of the law,” pahayag ni Lagman.
Ayon sa mambabatas, malinaw sa nasabing batas na tanging ang mga marginalized sector ang dapat magkaroon ng kinatawan sa Kongreso subalit dahil sa ruling ng Korte Suprema noong 2013 ay pinayagan ang lahat ng grupo na mayroong organisasyon.
Maliban dito, hindi na rin umano ginagawa ng Comelec ang dati nilang ginagawa na hindi pinapayagan ang mga party-list organizations na sumali sa eleksyon na walang ebidensya na mayroon silang constituent.
Sinabi ni Akbayan party-list Rep. Tom Villarin an bago sila pinayagan ng Comelec na makatakbo, 21 taon na ang nakakaraan, ay ibinasura muna ang kanilang aplikasyon matapos kuwestiyonin ng komisyon ang kanilang constituency sa buong bansa.
“Kaya ang ginawa namin noon, nag-rally kami sa mga Comelec office sa buong,” ani Villarin subalit ngayon aniya ay hindi na ito ginagawa ng Comelec at patunay nito ang kaso ng Duterte Youth.
Dahil dito, kailangan umanong maayendahan ang nasabing batas upang tanging ang mga totoong marginalized sector ang magkakaroon ng kinatawan sa Kamara.
“One of the first things that we have to do in the 18th Congress is to s strengthen the party-list system and make it consistent with its original intention of securing the marginalized sectors of having their own representation in Congress,” ayon pa kay Lagman.
Maliban dito, kailangang umanong masunod ang batas na kung hindi makakakuha ng katumbas ng 2% sa kabuuang boto ang mga party-list group ay hindi dapat magkaroon ang mga ito ng kinatawan sa Kongreso.
Sa ngayon, kahit ang wala pang 2% ang nakuha ng mga party-list group ay mayroong kinatawan sa Kongreso para lamang mapunan ang 20% seat na inilaan sa mga ito sa Kongreso.
