(BERNARD TAGUINOD)
MISTULANG hindi na kinikilala sa loob ng PDP-Laban ang tinatawag na “party loyalty” dahil sa pagsuporta ng top officials nito tulad ni Speaker Lord Allan Velasco sa presidential bid ng non-member na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Ito ang obserbasyon ng ilang political observer matapos ang tila paglalatag na ng vice chairman for external affairs ng partido na si Velasco, sa kanyang baraha at si Duterte ang kanyang susuportahang kandidato.
“I will support her (Duterte-Carpio) all the way,” ani Velasco matapos samahan si Duterte sa “signing of the sister city agreement” ng Davao City at Zamboanga City kahapon.
Tila sinuway ni Velasco ang apela ng anak ng founder ng PDP-Laban na si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga miyembro ng kanilang partido na kapartido ang dapat nilang suportahan at hindi taga-labas.
“Wala nang political loyalty sa PDP-Laban,” komento ng political observer sa Kamara na hindi na nagpabanggit ng pangalan kapalit ng kanyang opinyon.
Gayunpaman, hindi na ikinagulat ang pagsuporta ni Velasco kay Sara dahil matunog na naging instrumento ang alkalde kaya naagaw ng una ang House leadership kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano noong nakaraang taon.
“I am more than glad to hear that she’s open to run for president in the 2022 elections,” ani Velasco subalit hindi nito sinabi kung mananatili ito sa administration party o lilipat sa Hugpong ng Pagbabago ni Mayor Sara.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na nabiyak ang partido nina Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Manny Pacquiao na isa sa mga nagpaplanong tumakbo sa presidential race sa susunod na taon.
Bukas, July 17, ay magkakaroon ng national assembly ang PDP-Laban na pangungunahan mismo ng chairman ng partido na si Duterte, kung saan matunog na tatanggalin na umano bilang pangulo ng partido si Pacquiao.
180 