PASAHERONG ARMADO NABARIL NG PNP-AVSEGROUP

NAKA-HOSPITAL arrest at nilalapatan ng lunas ang isang airline passenger matapos na mabaril ng nagrespondeng mga tauhan ng Philippine National Police-Aviation Security Group dahil sa pagwawala umano nito habang armado ng patalim sa loob ng Iloilo International Airport, sa Cabatuan, Iloilo.

Patuloy ang imbestigasyon ng Office for Transportation Security (OTS) sa insidenteng nangyari sa Iloilo International Airport, katuwang ang airport authorities at law enforcement agencies

Iginiit din ng ahensya na ang naging aksyon ng PNP–Aviation Security Group (AVSEGROUP) ay tugon upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero at empleyado ng paliparan.

Batay sa inisyal na ulat, nag-ugat ang insidente habang isinasagawa ang aviation security screening. Namataan umano ng isang OTS Security Screening Officer ang isang ipinagbabawal na bagay sa loob ng bag ng pasahero.

Dahil dito, isinailalim ang bag sa secondary screening alinsunod sa umiiral na security protocols. Gayunman, nang hilingin na sumailalim sa manual baggage inspection, bigla umanong inagaw ng pasahero ang kanyang bag mula sa X-ray machine at tumakas palabas ng screening area.

Sa karagdagang ulat, habang tumatakas, kinuha umano ng pasahero ang isang patalim, dahilan upang agad na magresponde ang mga pulis na nakatalaga sa loob ng paliparan.

Sa gitna ng insidente, nabaril sa dibdib ang pasahero na agad isinugod sa ospital upang malapatan ng medikal na atensyon.

“Personnel of the Philippine National Police promptly intervened and undertook appropriate action to prevent possible injury to surrounding passengers and airport personnel. In the course of this response, the passenger was shot in the chest. He was subsequently brought to the hospital for medical attention,” ayon sa OTS.

(JESSE RUIZ)

19

Related posts

Leave a Comment