PASANG KRUS NI JUAN DELA CRUZ

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

HINDI lang natural disaster kundi gayundin ang kagagawan ng mga tao, lalo na ang corrupt politicians, ang nagpapahirap ngayon sa mga Pilipino.

Dahil sa mga kalamidad na tumama sa bansa ay naungkat ang 5,500 flood control projects ng kasalukuyang administrasyon na pinondohan ng bilyun-bilyong piso.

Hindi na sa mga ilog at sapa dumadaloy ang tubig-baha tuwing tag-ulan kundi sa mga kabahayan at kalsada, na perwisyo sa mga tao.

Maging ang mga pananim ng mga Pilipinong magsasaka ay nasira na rin dahil sa mga pagbaha sa mga sakahan.

Kaya hindi nakapagtataka kung bakit kinakapos ang bansa sa mga produktong suplay mula sa agrikultura, kaya hayun tumataas ang presyo ng mga bilihin.

Sa pagkawala ng tubig-baha, kasabay na naanod ang mga pondo sa flood control projects. Naibulsa na ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno!

Kahit paano ay hindi sana ganun katindi ang tama sa atin ng mga kalamidad, kundi sana kinukurakot ng mga tiwaling politicians ang pondo ng bayan.

Kung naging maayos sana ang mga proyekto na humaharang sa tubig-baha, naililigtas sana ang mga ari-arian at buhay ng mga Pilipino sa tuwing may kalamidad na tumatama sa bansa.

Naging negosyo na kasi ang pagpasok sa pulitika sa Pilipinas dahil binibili ng mga politiko ang mga boto ng mga Pilipino tuwing may eleksyon.

Kung may kasalanan ang mga politiko dahil sa kanilang pagiging mga korap, may pananagutan din tayong mga botante dahil tinatanggap natin ang kanilang ibinibigay na pera at ibinuboto pa rin natin sila.

Hindi na tayo nadala na minsan nang may mga nasangkot na mga politiko sa katiwalian na kagagawan ni Janet Napoles sa PDAF scam, at ibinoto pa rin natin ang mga sangkot dito.

Kung sa panahon ni Napoles ay milyong piso pa lang ang kanilang nakuhang pera ng bayan, ngayon bilyong-piso na ang pinag-uusapan natin.

Ninakawan na tayo ng bilyun-bilyong pisong pondo ng mga politikong pulpol, sinasalanta pa tayo ng mga natural na kalamidad, saan na pupulutin ang mga Pilipino?

Kung sa ibang bansa lalo sa Japan, kapag nagkasala ang isang opisyal nila ay sila na mismo ang kumikitil sa kanilang sariling buhay.

Dito sa Pilipinas kahit na isinusuka ng publiko ang opisyal ng gobyerno ay binibigyan pa ng parangal ng kanyang kapwa politiko. Hindi na sila tinatablan ng hiya dahil sa sobrang kakapalan ng kanilang mga mukha.

At ang iba riyan ay ipinagmamalaki pa nila ang kanilang mga kayamanan na hindi maitatanggi na nagmula sa kaban ng bayan.

Hindi tayo basta-bastang maglalabas ng milyong piso sa bisyo lang kung galing sa pinaghirapan natin nakuha ito, dahil dugo at pawis ang ating ipinuhunan dito bago natin nakuha ito.

Kaya hindi nakapagtataka na milyun-milyong piso ang ginagastos sa pagsusugal sa casino ng mga engineer ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office (DEO) dahil hindi naman nila pera ‘yung ginagastos kundi sa taumbayan.

Ngayon nasa ikalawang buwan na tayo ng ber months (Sept at Oct), siguradong wala na tayong maaasahan na bumaba pa ang presyo ng mga bilihin bago pa dumating ang Disyembre na magkakaroon ng kaliwa’t kanang okasyon na maaaring maging dahilan para lalo pang tumaas ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino. Paano na si Juan dela Cruz?

Tinamaan na tayo ng mga kalamidad tulad ng mga bagyo, lindol at pagputok ng ilang bulkan, tinamaan pa tayo ng mga magagaling nating mangurakot na mga politician.

Ganyan na ba kasama ang ating elected officials sa Pilipinas, wala na silang pakialam sa kinabukasan ng mga Pilipino?

Aba’y kailangan na natin mag-isip kung ano ang gagawin natin hangga’t maaga pa, hindi pa huli ang lahat. Kailangan nating samahan ng pagdarasal na makapag-isip-isip sila na magbago at tigilan na nila ang kanilang pananamantala sa kaban ng bayan.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

22

Related posts

Leave a Comment