PASAWAY NA CABINET OFFICIAL

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

 

ANG alam ko, September 2017 ­huling blind item ko dun sa dati kong pinagsusulatan (old management) kaya medyo namiss ko ang mang-asar sa mga pasaway na public servant sa kanilang backstage activities.

Pero may nasagap akong katarantaduhan na ginawa sa frontliners ng isang sikat na public servant na bahagi ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang public hospital sa Quezon City na parang ayaw kong palampasin.

Eto basahin nyo at kayo ang humusga kung tama ba ang kanyang ginawa:

Sino itong government official na ito na kasumpa-sumpa ang ginawa sa mga frontliners sa isang public hospital sa Quezon City na pinaghintay ng labing dalawa at kalahating oras sa kanyang Polymerase chain reaction (PCR) o swab test?

Sa report na nakarating sa inyong DPA as in Deep Penetration Agent, bago ang araw ng swab test ng cabinet official na ito ay tumawag ito sa government hospital para magpa-test para malaman kung tinamaan ba siya o hindi ng ­coronavirus disease 2019 na galing China.

Nagpa-schedule ang Cabinet official na ito na alas-siyete ng umaga ang kanyang swab test kaya ­naghanda ang mga doctor at nurse na kukuha ng kanyang mga samples.

Hindi lang dalawa kundi maraming frontliners ang pinaghanda ng hospital dahil may mga kasama ang Cabinet official na ito na magpa-swab test na regular umano nilang ginagawa dahil hindi maiwasan na may nakakahalo-bilo ang mga ito na mga tao dahil sa kanilang trabaho.

Dahil alas-siyete ng umaga ang itinakda ng opisyal na ito na pagdating sa hospital ay alas-sais pa lamang ng umaga ay handang-handa na ang mga frontliners at nakasuot na ang mga ito ng protective gear na walang ipinagkaiba sa mga astronaut.

Alam ng lahat na hindi ­kumportable ang mga frontliners sa kanilang suot dahil napakainit umano nito subalit maaga nilang isinuot sa pag-aakalang darating sa takdang oras ang grupo ni Gabinete.

Pero lumagpas ang isang oras, dalawang oras, tatlong oras hanggang alas-sais na ng gabi ay wala pa ang mokong subalit hindi ma­aaring hubarin ng mga frontliner ang nilang mga protective equipment dahil kapag ginawa nila ito ay panibagong palit na naman at magastos ito.

Dahil dito, nagtiis na lamang ang mga frontliners habang suot-suot ang mga protective equipment dahil hindi nila matawagan ang pasaway na Cabinet official para kumpirmahin kung darating pa ito o hindi.

Alas-siyete y medya na umano ng gabi nang dumating ang pasaway na government official o makalipas ang 12 oras at kalahati sa kanyang itinakdang schedule kaya nagdusa sa kanya ang mga frontliners.

Hindi lang malaman ng DPA kung nag-sorry ang opisyal sa ­abalang ginawa nito dahil ang ­frontliners na itinalaga sa kaniyang grupo ay hindi na nakapagsilbi sa ibang pasyente sa hospital dahil sa kahihintay sa kanya.

Gayunpaman, kilala ang Cabinet official na ito na hindi marunong mag-sorry at madalas ay naghuhugas kamay pero ngingiti-ngiti pa umano ito nang dumating na tila hindi nakaabala.

Clue: Mataas ang ambisyon ng government official na ito dahil gustong maging bahagi ng Senado kaya tumanggap ng posisyon na may matinding exposure sa media subalit sa kabila nito ay mailap pa rin sa kanya ang kanyang pangarap na maging senador. Paano, dumarami ang naiinis kesa nagagalingan sa kanya. May letrang Y sa kanyang pangalan as in Yari ka sa mga botanteng frontliners.

291

Related posts

Leave a Comment