NABAWASAN ng mahigit kalahati ang bilang ng mga pasaway na lumalabag sa pinaiiral na home quarantine dahil sa deployment ng mga sundalo, mga tauhan ng PNP Special Action Force at Highway Patrol Group, ayon kay JTF COVID Shield commander Police Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar.
Ayon kay Gen. Eleazar, halos kalahati ng bilang ng mga home quarantine violator ang nabawas sa mga lugar na itinuturing na hot spots ng enhanced community quarantine (ECQ) violations.
Sinasabing ramdam na ramdam na malaking deterrent ang presensiya ng fully armed SAF commandos at mga sundalo kasama ang kanilang armored personnel carriers sa mga lansangan sa Metro Manila at mga kalapit bayan.
Una rito, nagbabala si Eleazar na “No more warning: zero tolerance for home quarantine violators in place!”
Bilang pagtugon sa direktiba ni Secretary of the Interior and Local Government Sec. Eduardo Año at Chief of the Philippine National Police (PNP) General Archie Francisco Gamboa, pinasimulan na ng Joint Task Force COVID Shield ang pagpapairal ng zero tolerance policy sa curfew violators.
Kasabay nito ang pagpapaigting sa ipinatutupad na hakbanging pang seguridad kaugnay sa pagpapalawig ng home quarantine.
“This means that violators will no longer be warned and be given consideration and instead, will immediately be arrested and charged,” ayon pa kay Eleazar.
Idineklara pa ng opisyal na umiiral ngayon ang intensified ECQ implementation at higit pa itong pinalakas sa pagpapakalat ng dagdag na puwersa para umaresto sa lumalabag sa home quarantine, social distancing at mga hindi nagsusuot ng face mask. JESSE KABEL
427 